Friday, July 22, 2011

Warning: Negative Love!

Sa mga nakaraan na araw, napansin ko to. Lahat naman ng tao sa mundo apektado nito. Nag-blog na ako dati tungkol dito pero hindi ko alam kung bakit ko iba-blog ulit. Sasabihin nanaman ng ibang tao “Ayan si Ceara ang EMO talaga.” 

Kung tatanungin mo ako? Hindi naman ako EMO. Hindi lang ako takot sa mga bagay na ganito. Seryoso. Totoo. Halos lahat kasi mas gusto nila ng joketime kesa sa seryoso. Hindi ko sinasabi na ayoko ng masaya o joketime, gusto ko lang sabihin na dapat balanse ang dalawa. Hindi naman talaga ito yung isusulat ko. Nag-side car lang ako.

Sabi ng isa kong kaibigan.. “Ceara, alam mo napaka-nega mo pagdating sa love.”
Aaminin ko. Wala akong alam dyan. Wala pa akong karanasan sa mga ganyan. Pero bakit ganun ako? Siguro kasi madami akong nakikita na nasasaktan sa  tinatawag na PAG-IBIG.

Magulo nga kasi ito.

Ito ang nagpapaikot ng mundo pero ito rin ang nakakapagpahinto ng lahat. Ito ang nakapagpapasaya sa mga tao pero mas madami ang pinapaiyak nito. Ito ang dahilan kung bakit gusto pa nating mabuhay dito sa mundo, pero ito din ang dahilan kung bakit gusto ng ibang tao na mawala na dito. Ito ang dahilan kung bakit maraming nabubuhayan ng loob, pero ito din ang dahilan kung bakit may mga taong PARANG pinapatay at pinapahirapan bawat segundo.

Sabi nila, “All is fair in love.” UTOT.  Sino naman kaya ang lokong nag-pauso nun? May gusto ka, iba naman ang gusto. Gusto ka, hindi mo naman gusto. Napakadaya. Masyadong mapanghusga ang pag-ibig.  Kadalasan, yung mga MAGAGANDA at GWAPO lang. Kapag pangit ka, for sure..  ka-level mo din ng looks ang makakatuluyan mo. Ganun naman eh diba? Hindi pwedeng magulo yun. Parang Caste system sa  India, Status Quo sa highschool musical, at  Maharlika, Timawa at Alipin ng Pilipinas nuong unang panahon.
Merong mga taong parang tanga na umaasa sa wala. Sa totoo lang, naawa ako sa kanila. Kasi nabulag na sila. Akala nila meron pang pahihinatnan pero hanggang dun na lang yun. Hindi na uusad. Kumbaga mas matindi pa sa traffic ng edsa. Mga ganung tao ang hirap i-untog sa pader. Mahirap magising sa katotohanan. Pag sinabi mo sa kanila ang totoo, pababanguhin lang nila yung taong inaasahan nila. Wag mo na subukan, baka ikaw din ang mag-sawa.

 May mga tao naman na napaka-manhid. Hindi makaramdam. Akala  mo bato. Akala mo hindi tao kasi walang pakialam. Yung iba, hindi ko alam kung nagmamanhid-manhidan o manhid lang talaga. Kahit anong gawin mo, wala talaga. Siguro kahit kumain ka ng apoy o lumunok ng bubog, tumulay sa alambreng may mga langgam, wa-epek yan.

Madami naming mga taong paasa. Ito mga magagaling na aktor. Dramatista. Sweet kuno. Napaka-galing. Lahat mapapaniwala nila. Akala mo totoo na, peke pala. Papaasahin ka lang tas saka ka iuumpog sa pader. Mga walang awa. Ewan ko bat sila ganito at hindi ko din naman sila maintindihan . Kaya kayo, ingat na lang po.

Meron pa. Mga martir. Hanga din ako sa ganito. Parang baliw. Kahit araw-araw PARANG tinu-torture na  sila di pa rin sumusuko. Siguro kung makikita ko yung mga puso nila, naka-magic tape na lang para mabuo ulit o kaya naka mighty bond para naman mas mahirap mabasag o madurog. Akala mo araw-araw pinapako sila sa krus, kaso sa dibdib lang naka-pako.

Eto, last na. May mga taong parang hangin, paramdam lang ng paramdam. Di naman nakikita. Yung tipong walang diretso na sinasabi. Siguro kasi takot sila. Ibig sabihin duwag. Puro paramdam lang, akala mo multo lang sa paligid. Siguro nag-fall na rin to sa category ng mga taong paasa.

Hindi ako eksperto. Sinasabi ko lang kung anong nakikita ko.  Sabihin mong mali ako. Pero dude, hula ko. Walo sa sampung umiibig ang sawi. Naalala ko tuloy yung libro ni Ricky Lee, pinamagatang Para Kay B. Sinasabi na merong  quota ang LOVE. Kasama ka kaya dun?

Madami na ang napasaya nito. Pero madami rin talagang nabaliw. Pasensya na kung napaka-pessimistic  ko sa mga ganitong bagay. Kung masaya ka sa buhay pag-ibig mo ngayon, madaming tao ang hindi kaya wag ka na lang makialam sa opinyon ko.

Salamat sa pagbabasa. Siguro dinurog ko lahat ng pag-asa mo.

Nasa Harap Mo Lang

Ang daming bagay na andyan lang. Pero hindi naman natin nakikita. Tama nga yung napag-aralan ko sa English. “We don’t see everything infront of our eyes.” READING. reading. reading. Pero minsan, maski nakikita natin, hindi naman natin pinapansin. Siguro kasi sa tingin natin wala yung kwenta. O baka wala naman talagang kwenta. O baka naman, sa iba tayo nakatingin. Madaming dahilan.

May pagkain sa na nakahain, pipili ng iba. Hindi kasi masarap.
May inumin sa lamesa, ayaw. Hindi kasi malamig.
May cellphone naman, naghahanap pa ng bago.
May chocolates sa ref, hindi kakainin. Gusto kasi imported.

Lagi na lang. Tulad ng sabi ko madaming dahilan. Baka kasi pangit. Baka kasi hindi maganda sa mata. Lagi na lang.

Nakakatawa talaga tayong mga tao. Ganun talaga. Hindi naman tayo nagbabago. Hindi naman tayo nakokontento. Lagi na lang tayong may gusto. Hindi nauubos. Kulang ang supply, madami ang demand. UTOT. Minsan, napagtyatyagaan. Pero hindi naman ganun katagal. Kadalasan, mabilis lang.
Pero siguro, lahat ng meron tayo, kapag nawala, dun lang natin maiisip na importante pala yun. Ang inaakala natin na walang kwenta, meron pala.

Una Kong Post Sa Tumblr

Hindi ko alam kung pang-ilang beses ako magiging ignorante. Siguro masyado lang ako nakikisunod sa uso. Pangit naman kasi kung hindi ka “in” di ba? Tatawagin kang “Yaya, you’re such a loser!!”
Una nung grade 6. May maririnig akong kaklase ko..

“ui, add mo ko ha!”

“ui! pahingi naman ng testi!”

Hindi ko alam kung saan yun. Kung ano yun. Yun pala FRIENDSTER. Dahil lahat sila merong ganun, eto ako at tatanga-tangang gumawa ng account. Natatandaan ko, hindi pa ako marunong mag-lagay ng picture.

“ui paano ba mag-lagay ng picture?”

“kuha ka sa google tas save as picture mo. tapos punta ka sa upload, click mo yung browse tas hanapin mo yung si-nave mo.” sagot naman nung kaklase ko.

Ayun. Nawili ako. Hanggang sa naging moderno ang panahon. Nagkaroon ng comments at testimonial na sa huli, pinag-sama na. Nagkaroon na ng who’s viewed me. Friendster blog. Friendster app. At kung ano-ano pang walang kwenta pero sa tingin pa rin natin, may kwenta.

Pangalawa. Tatanga-tanga ulit akong gumawa ng MULTIPLY. Cool kasi madaming nagbebenta ng kung ano-ano. Parang Divisoria, kaso net version nga lang. Naalala ko. Yun yung mga panahon na adik ako sa mga banda. Pati sa pamilya ng mga band members. Pati sa kaibigan nila. Pati sa nanay at tatay nila. Pinsan nila, kapatid nila, girlfriends nila, alalay nila este PA para mas sosyal, road manager at manager, pati sa plate number ng kotse nila, cell phone number nila, internet accounts nila, at madami pang iba. Para akong asong ulol na nabulag, sunod ng sunod. Buntot ng buntot. Naaliw ako sa multiply nun kasi madaming pictures na mailalagay. Walang limit limit. Post all you want. Pero masyadong komplikado.

Pangatlo. Twitter. Dito naaliw ako. Bukod sa ibong logo na blue na napa-cute, madaming chika. Madaming hollywood stars. Mukha na naman akong tanga na follow ng follow. Miley Cyrus, Demi Lovato, maski si Heidi Montag at Lauren Conrad. Mapa-pinoy, sila Alden Acosta (callalily) Yael Yuzon (spongecola) at Champ Lui Pio(hale) Mapa-korean, si Ji-hoo ng BOF at si Kim Bum. Lahat yan. Hindi ko alam kung bakit. E hindi naman ako sigurado kung sila yun. Baka mga posero lang ,pero eto. Sunod pa rin ako. At bukod dun, meron pang Tweet Dictionary.

Pang-apat. Facebook. Eto matagal na akong meron pero di ko ginagamit kasi nga.. ignorante pa ako. Hindi ko alam kung paano gagamitin. Nung nag-college ako, malamang ngayon-ngayon lang, dito ako nagsimula ma-adik. Dahil siguro sa walang katapusang apps. Astig e. Pero minsan, naisip ko. Masyadong maliit ang mundo ng facebook. Lahat ng galaw mo kita. Sa bagay, mamimili ka naman kung ipa-publish o hindi. Minsan kasi, gusto ko pansinin nila yung post ko. Minsan naman, ayokong tignan nila. Minsan pa nga, gusto ko sa isang tao lang ma-publish. Puro sa kanya ko lang ipa-publish yung post ko. Halatang papansin.

Pang-lima. Tumblr. Hindi ko pa alam kung anong meron dito. Kung ano to. Basta ang alam ko lang, tumblr. Ngayon, nakiki-uso at nakiki-usyoso ako kung anong meron dito. Sana matuto din ako mag-tumblr.
Ano naman kaya susunod pagkatapos nito? Paulit-ulit.
“ui bago!” “grabe kaka-adik!” “laos na yun. pangit. baduy. korni.”

Uulitin ko. Paulit-ulit. Hindi naman tayo nag-sasawa. Siguro nga, sadyang magaling yung mga taong gumagawa g mga ganitog website. Alam nila yung kiliti ng tao. Alam nila kung anong hinahanap. Alam nila kung paano tayo papaikutin sa mga daliri nila. Hindi ko alam kung sino ang malabo. Kung yung mga website na ginagwa nila, o kung tayo din. Ngayon pag nakikita natin ang FRIENDSTER, sasabihin natin..

“gaya-gaya sa facebook.”

“parang bakla na yung friendster”

“korni naman friendster.”

Ilan lang yan. Madami pa. Pero di ba natin naiisip na dati adik din tayo dun.
Ngayon sinusuka na natin yung mga bagay na gustong-gusto natin. Para rin tong ganito.
Nagkacrush ka sa isang tao. Todo puri ka.

 “Ang pogi naman niya!”

 “Ang hot naman niya!” 

“Bait kaya niya.. Cute pa” 

“Kakaadik naman ang smile niya.” 

At Madami pa.

Pagkatapos ng ilang araw, buwan, taon o dekada..

“YUCK! Hindi ko alam kung bakit ko yun naging crush eh ang pangit pangit naman.”
Dun pa lang natin mapapansin na mabaho pala ang hininga niya. May putok pala sya. May sira pala siya sa ulo. At kung ano-ano pa.

Bulag lang talaga tayo sa ilang mga bagay sa umpisa pero sa dulo, dun lang natin makikita. Sana makita na natin agad bago mahuli ang lahat.
Ayoko na magsalita. Este mag-type.

Salamat sa pagbasa. Sana umpisa pa lang nakita mo na, na walang kwenta tong sinulat ko para di ka na umabot dito.

Bagong Blog. Lumang Account.

Taong 2007 pa nang gawin ko ang account na ito. Hindi ko naman masyadong nagamit, hindi ko masyadong napansin sa kadahilanan ng pagka-ignorante. Hindi ko pa alam kung paano ang takbo nito, at malamang na maraming ibang social networking sites ang pinagkaka-abalahan ko noon.


Ngayon, susubukan kung buhayin itong blogsite kong ito.