Lunes ng nanyari ang insidente. Papasok ako ng iskwela ng i-check ko kung okay pa yung sasakyan ko sa may kanto. Ginagawa kasi ang kalsada namin kaya hindi ko maiparada sa garahe namin. Alas sais ng umaga yun. Okay naman. Maayos lahat.. Dire-diretso lang sa paglalakad hanggang sa malampasan ko ang buong kalsada ng Amayan.
Alas otso-kinse ng tumawag ang nanay ko sa akin. Naghihisteryo. Sinisigawan ako sa telepono habang nagtatago ako at nakayuko dahil nagkaklase kami ng mga panahon na iyon sa computer barn.
“Asan yung susi ng kotse? Wala. Nanakawan na tayo!”
Syempre hindi naman ako pwedeng lumipad at tumakbo sa nanay ko. Kung makapagsalita siya sa akin, parang kasalanan ko na nanakawan na ako. Pinutol ko kaagad ang tawag maski hindi ko alam kung ano yung mga nakuha. Basta hindi na ako maka-focus sa klase. Isip ako ng isip kung ano yung mga bagay na nawala, pagkatapos ng klase tinawagan ko siya ulit.
Napag-alaman ko na baterya ng kotse, mga tools at papeles na xerox lang naman pala ang mga nawala. Pero natakot ako na pakiramdam ko baka carnap talaga dapat, hindi lang niya alam kung paano mai-start dahil oldschool eh. Buti na lang mabait yung kaibigan ng nanay ko at tinulungan niya kami na mailipat sa ibang lugar yung kotse.
Lumipas ang ilang araw, hirap na hirap na kami ng nanay ko. Wala na kaming pera, wala pang baterya yung kotse, puro tulo pa ang bahay namin dahil sa malakas na ulan. Wala kaming mapagsabihan na mga kapamilya namin dahil siguradong pagagalitan lang nila kami at sasabihan na hindi nag-iingat. Kinagabihan, tinanong ko kung asan ang video camera ko na hiniram ng nanay ko sa akin nung isang araw..
Wala. Naiwan niya rin pala sa kotse.
So ibig sabihin, pati yun ay nawala at nanakaw. Lalo kaming nalungkot pero ang mas nakakalungkot para sa akin ay ang nararamdaman ng nanay ko. Parang sobra-sobrang paninisi sa sarili ang naramdaman niya. Paulit-ulit na umulan ng “Ang tanga-tanga ko” ang nanggaling mula sa bibig niya. Pero maski na ganon, wala pa rin kaming masabihan sa kamalasan namin..
Pero kaninang umaga, makatapos ang halos isang linggo ng pagdradrama at pagkalungkot kasabay ang pagbaha at pagbuhos ng ulan, umaraw na ulit. Nasabi na namin sa pamilya namin na minalas kami.Masaya lang dahil nakakagaan talaga sa loob kapag wala kang tinatago. Masaya talaga kapag naiintindihan ka nila at hindi ka nila sinisisi sa mga panyayari. Nakahinga na rin kami ng maluwag.
Mali pala ang pag-iisip na kapag may problema ka ay itago mo. Dapat pala ilabas mo para makahinga ka ng maluwag at mas mabilis na maka-move on.