Babala: Ang ilan sa mga nakasulat ay isang opinyon lamang. Wag seryosohin, matutong respetuhin. :)
Paano mo nga ba masasabi kung game over ka na? Hindi naman talaga laro ang ilan sa mga bagay sa mundo. Pero ang buhay ay isang malaking gameshow, mapapatawa at mapapaiyak ka. At syempre, ikaw pa rin ang magdedesisyon kung ano ang gusto mong maging reaksyon sa premyo na makukuha mo.
Pero paano mo nga ba nasasabi kung talo ka na sa larangan ng pag-ibig?
LALAKI: Game Over kapag nababasted.
Pakiramdam ko, talo ang mga lalaki kapag nabasted. Malamang! Ang sakit diba? Mas matindi pa sa malalim na sugat na nilagyan mo ng halo-halong asin, alcohol sabay kinamot-kamot ng matulis na kuko ng mga mangkukulam. Pagkatapos mong ilibre, pakainin, bilhan ng damit, bilhan ng sapatos, bilhan ng bag, bilhan ng bulaklak at pakainin sa mamahaling resto ang mga kaibigan at buong baranggay nila, BOOM. Saka ka ilalagpak sa lupa.
Kaya siguro tanggap ko na (kahit nakakagulo pa rin ng utak.) ang mga kalalakihan ngayon may pagka-sigurista na. Hindi na sila yung kagaya ng mga sinaunang lalaki na talagang sumusugal sa pag-ibig. Ngayon marunong na sila maglaro ng mga "mind games" ng babae, minsan nga sila pa ang nangma-"mind games". Nakakagulat man, pero iba na talaga ang panahon ngayon. Laging naninigurado kung may makukuha o wala.
BABAE: Game Over kapag umaamin.
Para sa mga babae naman, kitang-kita ko na talo sila kapag umaamin kaagad. Maraming nagagalit sa mga babae at kung ano-anong reaksyon na "Hindi naman pinapatagal ang ligawan, relasyon ang pinapatagal." pero sa tingin ko lugi talaga mga babae kapag umaamin. Kadalasan kasi, ang panliligaw ng mga lalaki ay parang laro. May kalaban, may premyo, may lives at syempre.. "challenge".
Kaso sa tingin ko, oras na malaman ng isang lalaki na nagugustuhan na siya nung babaeng nililigawan o pinopormahan niya, nawawalan na ng thrill ang laro. Nawawalan na ng "challenge". Kaya siguro natuto na rin silang magsawa at maghanap ng iba. At syempre, game over na para sa babaeng umamin. Lahat na ng pangarap nabuo niya mag-isa sa isip niya kasama yung lalaking manliligaw o pumoporma sa kanya. At kapag pakiramdam niya na sobrang high na siya, dun siya iiwan at ibabagsak sa lupa.
Kaya para sa inyo mga kapatid, sana maintindihan niyo na quits lang. Parehong may paraan ng pagkatalo. Pero kapag ang pag-ibig totoo, sigurado ako. Lahat panalo.