Wednesday, December 26, 2012

Sayaw sa Ilalim ng Christmas Lights


PAALALA: Ang sumusunod na istorya ay isang kathang isip lamang. Masyadong "cheesy" at baka ikaw ay ma-tae. Tulad ng palagi kong sinasabi, isa itong ka-echosan. Gamitin ang utak kung maniniwala o hindi.

Kakatapos lang nung isang bakla na magsayaw ng "Who Run the World" na may kasamang pagbuga ng apoy at paikot-ikot na split. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa iyon maski na may special package siya na maski anong oras man ay maaring mapisa. Siguro, na-internalize niyang mabuti na isa siyang ganap na babae kaya't nalimutan niya ang kanyang special package.

Malalim na ang gabi pero nagsisimula pa lang ang kasiyahan. Medyo madami na ang matatandang nagsayaw ng cha-cha, tango, at kung ano-ano pang sayaw na pang-ballroom na hindi ko na alam. Tapos na rin magsayaw ang "Gangnam Gurlz" ng Oppa Gangnam style habang nakayapak pero naka-diamond formation. 

Natatawa na natutuwa, pinagmasdan ko ang bawat isa. Ganito pala talaga ang pista sa ibang bayan. Korni pero masaya. Barriotic ang dating pero nakakatuwa.

Nagulat ako ng sabihin ng host ang susunod na game. "Best Couple of the Night" Hindi ko alam at hindi ko maintindihan kung papaano ang larong iyon. Parang naririnig ko lang naman kasi ang mga ganito kapag merong mga Prom, Valentine's Day o kung ano-anong party na may mga kung ano-anong reward masabi lang na may reward.

"Ano to? Pano daw yung best couple of the night? Magpapacute sila tapos kakanta ng mga ala ASAP loveteams?" tanong ko sa katabi kong babae.

"Ah hindi, sasayaw sila dyan sa gitna." sagot naman niya sabay tumayo.

Ang sabi kasi nila, kapag nakita ka ng mga kalalakihan na maganda ka o maski may itsura, aayain ka nilang sumayaw. Kampante naman ako na walang magyayaya sa akin na sumayaw dahil pormang lalaki ang suot ko nun, samahan mo pa ng makakapal na lente ng salamin at awkward na ngiti.

Kasabay ang pagtugtug ng mga lovesongs, ang mga ilaw na nanggagaling sa christmas lights ang nangibabaw. Tapos na ang isang kanta, wala pa rin nagpupuntang magkapares sa gitna ng dancefloor. Akala ko mapapahiya ang nagpa-contest dahil wala naman ata interesando na sumali.

Tumugtug ang pangalawang kanta, nagulat ako ng biglang nagsi-tayuan ang mga magnobyo at nobya at biglang nagsayaw sa gitna. Ganun pala yun dito, may warm up pa kumbaga. Dapat pala hindi pinapangunahan ang mga bagay-bagay, ano mang oras pwede kang magkamali. O siguro, kailangan mo lang talaga tignan at maghintay sa mga susunod na manyayari bago mo isipin na "ah, wala na to".

Habang pinagmamasdan ko sila, naiisip ko rin ang sarili ko. Sinubukan kong isipin ang sarili ko na may kasayaw din. Masaya. Nakangiti. Naka-poker face sa personal pero kinikilig sagad hanggang buto. Inisip ko yung pakiramdam na lumulutang sa langit at parang wala ng ibang tao na nakapaligid samin. 

Maganda ang suot, nag-uumapaw sa saya hanggang sa lumalabas ito sa mga mata at ngiti. Habang nakikita ko ang kanyang mukha na tinatamaan ng christmas lights na iba-ibang ilaw, kikiligin ako pero hindi ko ipapahalata. Matatawa pero itatago sa loob. Habang nakahawak ako sa balikat niya, at nakahawak siya sa bewang ko nararamdaman ko na parang may kuryente na dumadaloy sa buong katawan ko. 

Ito na nga siguro to. "Haaaay ang sarap sa pakiramdam." <3

"HOY TARA NA!!!" 

Biglang may sumigaw sa likod ko at nabulabog ang munting mundo na nabuo ko. Tinatawag na ako ng nanay ko at kailangan na daw namin umuwi. Nagising ako sa munting panaginip ko at kinailangan nang umalis.

Muli, sinulyapan ko ang mga magkapareha na nagsasayaw. Tinanong ko sa sarili ko, sino ba ang kasayaw ko? Naisip kong hindi ko pa pala siya nahahanap. Hindi ko pa nahahanap yung taong kasama kong magsasayaw sa ilalim ng Christmas Lights.