Kapag utak ang ang walang pagod na nagtra-trabaho nakakapagod din. Hindi ka gumagalaw pero tila may balong malalim na hinahalukay sa kalamnan mo. Hindi ka mapakali, hindi ka makahinga ng maayos, hindi ka makagalaw ng matiwasay.
Pakiusap: Masyadong personal ang mga nakalahad, kung wala kang pakialam sa mga sasabihin ko at manghuhusga ka rin lang, wag ka na magtangkang maki-tsismis.
Nung isang linggo pa ito nagsimula. Masyado kasi akong gago para magpakawasak sa alak ng ako lang mag-isa kaya hindi ako nakauwi nung isang araw. At ng dahil dun, natatakan na ako ng isang pagkatao na hindi naman talaga ako. Ang hirap pala kapag yung mga mahal mo pa sa buhay ang mismong hindi naniniwala sa sinasabi mo.
Kilala niyo naman siguro ako. Ako yung tipong walang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.
Malandi, Malibog, Lasinggera, Pakawala, Walang kwenta.
Ilan sa mga salitang posibleng marinig ko galing sa ibang tao. Lahat ng iyan wala sa akin kung sa kanila manggagaling dahil alam ko kung ano yung totoo. Alam ko na hindi nila ako kilala. Pero malaking dagok sakin kung yang mga salitang yan ang maririnig ko mismo sa mga taong mahal ko.
Masyadong masakit ang mga salitang nakasulat sa taas para lunukin ko ang mga ito lalo na kapag galing sa kanila. Sila yung mga taong inaasahan kong pinaka-huli na magsasabi sa akin ng mga ganyan, pero dun ako nagkamali. Siguro nga kagaya rin sila ng ibang taong walang alam tungkol sa akin.
Magulo ako, oo aminado ako dun. Loko-loko ako, mahilig akong umalis sa gabi, sumama sa mga tropang bagong kakilala, marami akong hikaw, abnormal ang buhok ko, umiinom ako, nasubukan ang mga hindi dapat, umuuwi ako ng madaling araw, uma-aura ako sa disco, nagmumura ako sa facebook, nagpo-post ako ng mga salitang tae, ebak, punyeta, bwusit at kung ano ng walang katikas-tikas, kulay berde ang utak ko at kulang na lang ata na sabihin kong adik ako.
Pero alam ko sa sarili ko na isang aspeto lang yun ng pagkatao ko. Importante sa akin ang buhay, pag-aaral, pakikitungo sa kapwa, pangarap at pamilya. Alam kong pinahahalagahan ko ang sarili ko sa paraan na gusto ko na walang makapagsasabi na ito ay tama o mali. Sapat na yun para sa akin para sabihin kong hindi ako masama at pakawalang tao. Hindi ako magpapaka-hipokrita at maghahanap ng isang kategorya o listahan ng mga katangian na dapat meron ako para lang masabi iyon. Sana ganun din ang mga taong nakapaligid sa akin.