Tuesday, March 4, 2014

SINO, SINO, SINO AKO?!

Sobrang tagal na ang inabot at hindi na ako nakakapag-sulat. Siguro kasi masyado na akong busy sa pagiging buhay intern. Puro pasok sa clinic, sa hospital at idadagdag mo pa ang nakakauyam na exams, documents at oral revalida. Pero sa ngayon.. sa wakas.. tapos na lahat! Make-ups na lang at pwede na talaga akong magsaya ng tuluyan.
Sinigurado ko bago ako pumasok sa buhay intern, nakapagsaya ako. Sinigurado ko na alam ko kung sino ako pati na rin ang mga taong nakapaligid sa akin, na kapag may isang salita.. siguradong
"Ah si Ceara yan."
Ngayon na tapos na lahat.. Hindi ko alam pero bakit pakiramdam ko parang hindi ko na naman kilala yung sarili ko. Para akong nawawalang bata na hindi ko alam kung saan nga ba ako papunta. Isang bata na susunod na lang sa mga sasabihin ng iba na kung saan sila, doon din ako. Naisip ko siguro kailangan ko ulit buhayin yung mga bagay na alam kong gustong-gusto ko. Kailangan kong balikan yung mga ginagawa ko. Para bumalik sakin kung sino nga ba ako, ano ba talaga ang gusto ko, at kung saan ko ba talaga balak tumungo. 
Itong listahan na ito, ito yung mga bagay na gusto kong manyari. Bucket list kuno. Pero sa ngayon ito muna. :)
1. Magpakulay ng buhok na kulay blue o kaya violet.
2. Magpunta sa gym at kumain ng mga masustansyang pagkain forever.
3. Buhayin ang echoserangbata blogss at magsulat ng magsulat ng magsulat.
4. Mag-gig ng mag-gig at magpiktyur ng magpiktyur.
5. Ma-inlab.
At higit sa lahat..
6. Matutong magdesisyon kung saan kakain.

Monday, April 15, 2013

Malandi, Malibog, Lasinggera, Pakawala, Walang kwenta.


Kapag utak ang ang walang pagod na nagtra-trabaho nakakapagod din. Hindi ka gumagalaw pero tila may balong malalim na hinahalukay sa kalamnan mo. Hindi ka mapakali, hindi ka makahinga ng maayos, hindi  ka makagalaw ng matiwasay.
Pakiusap: Masyadong personal ang mga nakalahad, kung wala kang pakialam sa mga sasabihin ko at manghuhusga ka rin lang, wag ka na magtangkang maki-tsismis.
Nung isang linggo pa ito nagsimula. Masyado kasi akong gago para magpakawasak sa alak ng ako lang mag-isa kaya hindi ako nakauwi nung isang araw. At ng dahil dun, natatakan na ako ng isang pagkatao na hindi naman talaga ako. Ang hirap pala kapag yung mga mahal mo pa sa buhay ang mismong hindi naniniwala sa sinasabi mo.
Kilala niyo naman siguro ako. Ako yung tipong walang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.
Malandi, Malibog, Lasinggera, Pakawala, Walang kwenta.
Ilan sa mga salitang posibleng marinig ko galing sa ibang tao. Lahat ng iyan wala sa akin kung sa kanila manggagaling dahil alam ko kung ano yung totoo. Alam ko na hindi nila ako kilala. Pero malaking dagok sakin kung yang mga salitang yan ang maririnig ko mismo sa mga taong mahal ko. 
Masyadong masakit ang mga salitang nakasulat sa taas para lunukin ko ang mga ito lalo na kapag galing sa kanila. Sila yung mga taong inaasahan kong pinaka-huli na magsasabi sa akin ng mga ganyan, pero dun ako nagkamali. Siguro nga kagaya rin sila ng ibang taong walang alam tungkol sa akin.
Magulo ako, oo aminado ako dun. Loko-loko ako, mahilig akong umalis sa gabi, sumama sa mga tropang bagong kakilala, marami akong hikaw, abnormal ang buhok ko, umiinom ako, nasubukan ang mga hindi dapat, umuuwi ako ng madaling araw, uma-aura ako sa disco, nagmumura ako sa facebook, nagpo-post ako ng mga salitang tae, ebak, punyeta, bwusit at kung ano ng walang katikas-tikas, kulay berde ang utak ko at kulang na lang ata na sabihin kong adik ako.
Pero alam ko sa sarili ko na isang aspeto lang yun ng pagkatao ko. Importante sa akin ang buhay, pag-aaral, pakikitungo sa kapwa, pangarap at pamilya. Alam kong pinahahalagahan ko ang sarili ko sa paraan na gusto ko na walang makapagsasabi na ito ay tama o mali. Sapat na yun para sa akin para sabihin kong hindi ako masama at pakawalang tao. Hindi ako magpapaka-hipokrita at maghahanap ng isang kategorya o listahan ng mga katangian na dapat meron ako para lang masabi iyon. Sana ganun din ang mga taong nakapaligid sa akin.

Thursday, February 7, 2013

#BakitHindiTayo


Usong-uso ano? Trending na trending lalo na at papalapit na naman ang Valentine’s Day. Ang daming nagre-react, ang daming nakiki-react at madaming magre-react. Madaming dahilan kung “Bakit hindi kayo?”. Posibleng alam mo, pero kunwari hindi mo na lang alam para naman may mapag-usapan tayo. Ito ang ilan sa rason kung bakit paulit-ulit na tumatakbo sa isipan mo ang “Bakit Hindi Tayo?”
1. MAY GUSTO SIYANG IBA.
Eh ganun talaga ang buhay. Masakit man tanggapin, minsan hindi talaga natin nakukuha yung gusto natin. Minsan masarap isipin ng isipin na gumagana ang tinatawag nilang Law of Attraction, para naman may patunguhan ang pag-iisip mo sa kanya bago ka matulog, bago ka kumain, at habang tumatae ka o kapag naghihintay ka ng pinapainit na tubig pampaligo. Kaso hindi eh, kahit isipin mo siya ng 24/7 at mapagod siyang kakatakbo sa utak mo, wala pa rin. Di bale, sabi nila lahat ng sakit nagagamot ng panahon. Makakahanap ka rin ng taong magkakagusto sayo na gusto mo talaga. (Sana talaga.)
2. PRIDE. 
Ano ba ang Pride? Saan mo ba pwedeng gamitin ang Pride? Di ba panglaba yun? Eh anong ginagawa mo bakit hindi mo pa sabihin sa kanya na gusto mo siya? Masyadong madaming oras ang nasasayang, masyadong madaming emosyon ang nagu-umapaw. Pero wala pa rin nanyayari, alam mo kung bakit? Dahil sa PRIDE mo na hindi mo naman kayang ibaba, bitawan at kainin. Minsan kailangan mong magkaroon ng bayag na kasing tigas ng semento para umamin sa isang tao na gusto mo siya. Oo, masakit kapag hindi ka niya gusto, pero mas masakit kapag habang buhay tinago mo yun at wala ka ng ibang magawa kundi pagsisihan ang mga bagay na hindi mo ginawa. Hindi na nababalik ang oras, kaya simulan mo na ngayon kung gusto mo ng pagbabago.
3. HINDI PA ORAS. 
Masaya na kayo sa piling ng isa’t - isa. Parang sinabawang gulay ang pag-uusap niyo tuwing magkasama kayo sa mall, sa park, sa lrt, sa jeep, sa text, sa chat at kung saan. Kaso nga lang hindi pa pwede. Posible na dahil sa sitwasyon, sa mga taong nakapaligid sa inyo, magulang mo, nag-aaral ka pa, nagwo-work ka pa, magkalayo kayo, (insert lame reason here) o kaya natatae ka lang talaga kaya hindi ka pa handa. Ang saya na sana na may minamahal ka, kaso nga lang hindi ito yung tamang oras. Siguro kailangan mo muna ayusin ang mga gusot bago ka humakbang.. Dahil siguradong mas magiging masaya magmahal sa tamang oras.
4. HINDI KA NANIWALA.
Sinabi niya na sayo ng paulit-ulit. Pero hanggang ngayon hindi ka pa rin naniniwala. Manhid-manhidan ang effect? Anong gusto mong gawin niya? Kumain ng apoy at ibuga sa ere na may nakasulat na “Mahal kita”. Maraming tao ang nahihirapan maniwala sa isang bagay kung hindi niya ito nakikita. Maraming tao ang nahihirapan maniwala kung hindi niya ito naririnig. Pero bakit hindi mo subukan maniwala sa isang taong pinaparamdam kung ano ka ba talaga sa kanya? Baka mamaya matagal na niyang pinapahiwatig sayo ng pa-joke-joke lang (please see number 2 para maintindihan mo siya) pero yun pala, totoo na. Hindi ka lang naniniwala.
5. FRIENDZONESION 
Di bale, sabi nga sa TFTZ, may t-shirt ka naman! Bongga na yun matuwa ka na. Ano ba kasing ina-arte arte na masisira ang pagkakaibigan. Hipokrito. Lahat ng matinding pagkaka-ibigan, nagsisimula sa pagiging magkaibigan. Kaya nga tinawag na magkaibigan ang magkaibigan dahil nag-iibigan na kayo. (Oo tongue twister talaga yun.) Hindi sayang yun, kung yun ang ikakasaya nyong dalawa, wag kang matakot. Puso lang kapatid.
6. NATATAKOT KANG MASAKTAN. 
Actually, relevant din naman to sa number 3. Iniisip mo palagi na masasaktan ka lang. Ibig sabihin, hindi ka pa handa. Sabi nila mapait ang pag-ibig. Kaya subukan mo na lang pumunta sa kusina at magpapak ng kape para may initial taste ka kung gaano ito kapait. At kapag pakiramdam mo na kaya mo nang i-take ang lahat ng iyon, BRAVO. Isa ka ng ganap na mandirigma ng pag-ibig. Pagbutihin mo.
7.HINDI KAYO PARA SA ISA’T - ISA.
Kapag pinagsama-sama mo ang rason sa itaas, ito ang kalalabasan.
PS. Kaya kung gusto mo talaga at mahal mo ang isang tao, alam mo na sa kanya ka magiging masaya, gawin mo ang lahat at ipaglaban mo. Masarap mabuhay, lalo na kapag may minamahal. Wag mong sayangin ang oras at panahon.

Tuesday, January 8, 2013

Aesthetics


PAALALA: Hindi ako isang henyo, art student o pilosopo. Posibleng mali ang mga ideya na nakalagay dito. (Pero posible din naman na tama.)

Ano nga ba ang pinagkaiba ng pangit sa maganda? O ang mas dapat na itanong, may maganda at pangit ba talaga?

Maraming nagsasabi ng "Beauty is in the eye of the beholder". Para sa akin, totoo ito. Depende kasi talaga sa mga tao kung ano yung gusto niya. Depende rin ito sa mga bagay na nakikita niya sa paligid o kung ano-ano yung mga impluwensiya kaya niya nasabing maganda o pangit ang isang bagay, tao, panyayari o kung ano man.

Masyadong subjective at walang eksaktong kahulugan ang mga ito. Walang sukat na sinusunod, walang kulay na kailangan, walang hugis na tinitignan. Pero habang tumatagal ang panahon, pakiramdam ko nagkakaroon ng trend ang mga tao. Kung ano yung madalas na nakikita nila sa internet, sa telebisyon, sa pelikula, sa magasin, sa mall atbp. yun yung nasasabi nilang maganda. At kung ano yung bihira nilang makita sa mga lugar na ito, yun yung sinasabi nilang pangit. 

Kumbaga nagkakaroon na ng standards sa kung paano mo masusukat ang kagandahan o kapangitan dahil ito ang nakikita ng mas nakakarami. Ito yung nakikita kung saan-saan. O kaya pwede din na tinatanggap ng mga tao na ito ang "maganda" kasi ito yung mas gusto ng nakakarami (dahil nga sa mga nakikita nila) at "pangit" kapag hindi napapansin ng mga tao.

Parang "mabuti" at "masama". Mga salitang tumutukoy sa isang gawain, tao, hayop, bagay, ideya, atbp na wala naman talagang eksaktong kahulugan, kundi mga salita lang na pwede mong baguhin ang ibig sabihin depende sa impluwensya at kultura ng isang tao.

Wednesday, December 26, 2012

Sayaw sa Ilalim ng Christmas Lights


PAALALA: Ang sumusunod na istorya ay isang kathang isip lamang. Masyadong "cheesy" at baka ikaw ay ma-tae. Tulad ng palagi kong sinasabi, isa itong ka-echosan. Gamitin ang utak kung maniniwala o hindi.

Kakatapos lang nung isang bakla na magsayaw ng "Who Run the World" na may kasamang pagbuga ng apoy at paikot-ikot na split. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa iyon maski na may special package siya na maski anong oras man ay maaring mapisa. Siguro, na-internalize niyang mabuti na isa siyang ganap na babae kaya't nalimutan niya ang kanyang special package.

Malalim na ang gabi pero nagsisimula pa lang ang kasiyahan. Medyo madami na ang matatandang nagsayaw ng cha-cha, tango, at kung ano-ano pang sayaw na pang-ballroom na hindi ko na alam. Tapos na rin magsayaw ang "Gangnam Gurlz" ng Oppa Gangnam style habang nakayapak pero naka-diamond formation. 

Natatawa na natutuwa, pinagmasdan ko ang bawat isa. Ganito pala talaga ang pista sa ibang bayan. Korni pero masaya. Barriotic ang dating pero nakakatuwa.

Nagulat ako ng sabihin ng host ang susunod na game. "Best Couple of the Night" Hindi ko alam at hindi ko maintindihan kung papaano ang larong iyon. Parang naririnig ko lang naman kasi ang mga ganito kapag merong mga Prom, Valentine's Day o kung ano-anong party na may mga kung ano-anong reward masabi lang na may reward.

"Ano to? Pano daw yung best couple of the night? Magpapacute sila tapos kakanta ng mga ala ASAP loveteams?" tanong ko sa katabi kong babae.

"Ah hindi, sasayaw sila dyan sa gitna." sagot naman niya sabay tumayo.

Ang sabi kasi nila, kapag nakita ka ng mga kalalakihan na maganda ka o maski may itsura, aayain ka nilang sumayaw. Kampante naman ako na walang magyayaya sa akin na sumayaw dahil pormang lalaki ang suot ko nun, samahan mo pa ng makakapal na lente ng salamin at awkward na ngiti.

Kasabay ang pagtugtug ng mga lovesongs, ang mga ilaw na nanggagaling sa christmas lights ang nangibabaw. Tapos na ang isang kanta, wala pa rin nagpupuntang magkapares sa gitna ng dancefloor. Akala ko mapapahiya ang nagpa-contest dahil wala naman ata interesando na sumali.

Tumugtug ang pangalawang kanta, nagulat ako ng biglang nagsi-tayuan ang mga magnobyo at nobya at biglang nagsayaw sa gitna. Ganun pala yun dito, may warm up pa kumbaga. Dapat pala hindi pinapangunahan ang mga bagay-bagay, ano mang oras pwede kang magkamali. O siguro, kailangan mo lang talaga tignan at maghintay sa mga susunod na manyayari bago mo isipin na "ah, wala na to".

Habang pinagmamasdan ko sila, naiisip ko rin ang sarili ko. Sinubukan kong isipin ang sarili ko na may kasayaw din. Masaya. Nakangiti. Naka-poker face sa personal pero kinikilig sagad hanggang buto. Inisip ko yung pakiramdam na lumulutang sa langit at parang wala ng ibang tao na nakapaligid samin. 

Maganda ang suot, nag-uumapaw sa saya hanggang sa lumalabas ito sa mga mata at ngiti. Habang nakikita ko ang kanyang mukha na tinatamaan ng christmas lights na iba-ibang ilaw, kikiligin ako pero hindi ko ipapahalata. Matatawa pero itatago sa loob. Habang nakahawak ako sa balikat niya, at nakahawak siya sa bewang ko nararamdaman ko na parang may kuryente na dumadaloy sa buong katawan ko. 

Ito na nga siguro to. "Haaaay ang sarap sa pakiramdam." <3

"HOY TARA NA!!!" 

Biglang may sumigaw sa likod ko at nabulabog ang munting mundo na nabuo ko. Tinatawag na ako ng nanay ko at kailangan na daw namin umuwi. Nagising ako sa munting panaginip ko at kinailangan nang umalis.

Muli, sinulyapan ko ang mga magkapareha na nagsasayaw. Tinanong ko sa sarili ko, sino ba ang kasayaw ko? Naisip kong hindi ko pa pala siya nahahanap. Hindi ko pa nahahanap yung taong kasama kong magsasayaw sa ilalim ng Christmas Lights. 

Friday, November 30, 2012

Ang Maasim na Ubas : Isang Parabula


PAALALA: Ang lahat ng nakasaad dito ay isang kathang isip lamang. Isipin kung maniniwala o hindi. Take time to realize at magmuni-muni.

Kakatapos lang ni Juan magtrabaho. Pagod na pagod at gutom na gutom. Nakita niya ang isang basket ng ubas sa lamesa. Alam niyang gusto niya nang kunin ang mga iyon at lantakan para naman mapawi ang gutom niya. Pero dahil magaling siya, kaya naman daw niyang pigilan ang kumakalam na sikmura niya. Pilit na naghanap ng ibang pagkain si Juan pero maski anong tingin niya sa mga cabinet sa kusina ay wala siyang makita. Kung meron man, mga de lata lamang na mukhang masarap pero pagbukas niya ay expired na pala. Inisip niya kung kakainin na ba niya yung ubas. Isip. Isip. Isip.

Palakas ng palakas ang tunog ng tiyan niya at alam niyang sumasakit na iyon dahil gutom na nga siya. Pero hindi pa rin niya kinuha yung ubas kasi naisip niya na baka maasim ito. Inisip niya na baka hindi ito masarap. Inisip niya na baka mamaya hindi naman pala safe ito kainin. Kaya ang ginawa niya tinignan niya lang yung ubas.

Hanggang sa lumipas ang ilang oras, nalipasan na rin siya ng gutom. Natatakam pa rin siya sa ubas pero hindi niya pa rin ito ginalaw. Naisipan na lang niyang lumabas muna at magpahangin sa labas.

Pagbalik niya, wala na ang isang basket ng ubas. Kinain na ng kapatid niya. Ayan tuloy, nganga.

MORAL LESSON: Wag ng magpatumpik-tumpik pa. Kung may nakahain sa lamesa, at nagugutom ka kainin mo na. Kung may gusto kang tao, sabihin mo na. Kung may nais kang gawin, simulan mo na. Wag mo na hintayin ang oras na mawala pa ang nasa sa iyo na.

Tuesday, November 27, 2012

Kung ayaw mong dumating yung araw na pati sayo hindi ako maniwala, wag na wag mo na ulit akong gagaguhin.


Siguro nga hindi mo naiintindihan kung bakit may mga bagay na nanyayari na hindi mo inaakala. Tila isang laro lang ang lahat, hindi pinag-isipan, hindi tinignan kung may masasaktan. Mga bagay na hindi mo inaakalang kayang gawin sayo ng taong pinagkakatiwalaan mo. Okay lang manggago, okay lang manloko, okay lang magbiro pero sana nasa lugar. Ang tao ay tao, hindi laruan na pwedeng gaguhin kapag wala kang magawa. Hindi tao-tauhan na parang isang manika. Hindi isang character sa isang video game na kaya mong kontrolin.

Pero alam mo kung bakit siguro may tiwala ka pa rin sa kanya? Kasi mas matimbang ang samahan niyo. Malalim, mabigat, at mahirap kalimutan. Hindi mo maiwan-iwan at kapag tinanong ka ng ganito..

"Kaya mo ba siyang iwan?"

Isa lang ang isasagot mo. 

Hindi.

Thursday, November 1, 2012


Hindi pa rin ako makatulog ngayon maski na kanina ko pa pinipilit na matulog. Kanina pa ako palipat-lipat, paiba-iba at paikot-ikot sa kama. Nakakadalawang libro na ako na wala naman kwenta pero ewan hindi pa rin ako tinatablan ng antok. Gusto ko na talaga matulog.
Habang nakahiga sa kama, hindi mo naman mapipigilan na mag-isip, magmuni-muni. Kung ano-ano lang. May mga pangit kang maiisip, may mga magaganda. Sa totoo lang, maski naman anong gawin mo tuloy-tuloy lang eh. Manuod ng tv, kumain, maligo, sumakay ng jeep, tumae, mag-ayos ng gamit, makinig ng music, makinig sa teacher, magcomputer, manuod ng porn, maglakad sa kalsada, kumain ng angel’s hungarian sausage, makitawa sa mga kaibigan, atbp. Laging tumatakbo yung kung ano-ano na naiisip mo may koneksyon man o wala sa kung anong nararanasan mo ngayon, noon o sa mga susunod na araw.
Kaya nga minsan talaga mas masarap na matulog eh. Pahinga lahat. Wala lang. Blangko. Itim lang. Ang sarap lang magshut-down minsan sa totoong buhay. Lalo na kapag naiisip mo yung mga bagay na masakit sa liver. Tulad ngayon..

Saturday, October 27, 2012

“Sa ngayon, blurred pa yan. Pero dadating din yung oras na magiging malinaw din ang lahat.”


Kapag ang isang bagay na hindi mo naman talaga nakikita, hindi mo naman talaga naririnig at hindi mo naman talaga nahahawakan, posibleng maituturing na isang guni-guni lamang o isang drawing.

Kagaya ng tubig kanal na tinatapakan mo tuwing baha at tag-ulan, hindi mo nakikita kung ano ang nandun sa loob basta ka na lang mandidiri at makikiramdam sa kung ano na yung posibleng gumapang sa paa mo. Kagaya ng isang salamin na hindi tugma sa grado ng mata mo, oo at nakikita mo pero hindi ka pa rin sigurado kung tama ba ang mababasa mo. Kagaya ng isang de lata na nabura na ang expiry date, hindi ka sigurado kung pu-pwede mo pa itong inumin o baka sumakit ang tyan mo kapag ginawa mo iyon. Kagaya ng isang isla na makikita mo kapag nakasakay ka sa isang barko, hindi mo alam kung malapit ka na ba doon o matagal-tagal pang byahe ang kailangan mo bago ka makarating doon.

Kapag ang isang bagay hindi ka sigurado, medyo malabo at hindi mo alam kung hanggang saan iyon, libre kang mag-isip. Libre kang mangarap. Libre kang maniwala sa kung ano ang gusto mong paniwalaan. Libre kang magpatakbo ng imahinasyon mo. Lahat ng iyon, walang limitasyon. Kaya nga minsan sa pagiging libre nito, dito papasok ang tinatawag na "expectations". Pangit man o maganda.

Pero isa sa mga general rules ng buhay ay..

"BAWAL MAG-EXPECT. BAWAL MAG-ASSUME."

Siguro wag mo na lang pangunahan kung ano talaga ang "anong" iyon. Siguro maghintay ka na lang sa kung ano talagang manyayari. At habang hindi ka pa sigurado sa kung "ano" nga talaga ang bagay na iyon, wag ka na lang mag-isip. Basta dadating at dadating din sa puntong magiging malinaw din sa iyo yan.

Tuesday, October 16, 2012

Ang Tunay na Lalaki


Babala: Ang mga sumusunod ay isang opinyon at isang obserbasyon lamang. Matutong rumespeto at gumalang. Para sa mga mambabasang lalaki, simulan mo na ang umilag at baka ikaw ay matamaan.

Napapansin ko lang, iba na nga talaga ang ikot ng mundo ngayon. Lahat talaga ang laki na ng pinagbago. Hindi ko alam kung paano nanyayari, pero dumadami na talaga ang mga "chicks" dito sa mundo. Ang nakakagulat doon, hindi lang babae ang chicks.. pati na rin pala lalaki. Bukod pa to doon sa mga tinatawag natin na mga beki.

Paano ko ba nasasabi na isang "chicks" ang isang lalaki?

Sa pagkakaalam ko, ang tunay na lalaki.. mas nakikitaan ng gawa kesa sa salita. Napapansin ko kasi, napakadaming lalaki ang magaling magsabi ng kung ano-anong pa-bilib masabi lang na "tunay na lalaki" sila. Ang dami nilang alam, ang dami nilang satsat, pero ang totoo "it does not apply." Hanggang doon lang. Wala ng kasunod. Period.

Ang titikas magsalita ng kung ano-ano na akala mo naman ay totoong opinyon at pananaw nila ang mga iyon. Ang galing magsabi kung paano tratuhin ang isang babae. Ang galing magsabi kung ano ang ganito, ano ang ganyan. Ang galing magsabi ng kung ano ang tama sa mali. Ang galing magsalita ng kung ano ang dapat sa hindi dapat. Ang galing magsalita ng kung ano-anong ka-sweetan na wala naman talagang laman. Ang gagaling. Palakpakan!

Pero para sa akin, mga chicks sila. Mga nagpapa-bilib at nagpapa-impress. Puro salita na wala naman kwenta at sila mismo ay hindi kayang gawin kung ano ang sinasabi nila.