Saturday, October 27, 2012

“Sa ngayon, blurred pa yan. Pero dadating din yung oras na magiging malinaw din ang lahat.”


Kapag ang isang bagay na hindi mo naman talaga nakikita, hindi mo naman talaga naririnig at hindi mo naman talaga nahahawakan, posibleng maituturing na isang guni-guni lamang o isang drawing.

Kagaya ng tubig kanal na tinatapakan mo tuwing baha at tag-ulan, hindi mo nakikita kung ano ang nandun sa loob basta ka na lang mandidiri at makikiramdam sa kung ano na yung posibleng gumapang sa paa mo. Kagaya ng isang salamin na hindi tugma sa grado ng mata mo, oo at nakikita mo pero hindi ka pa rin sigurado kung tama ba ang mababasa mo. Kagaya ng isang de lata na nabura na ang expiry date, hindi ka sigurado kung pu-pwede mo pa itong inumin o baka sumakit ang tyan mo kapag ginawa mo iyon. Kagaya ng isang isla na makikita mo kapag nakasakay ka sa isang barko, hindi mo alam kung malapit ka na ba doon o matagal-tagal pang byahe ang kailangan mo bago ka makarating doon.

Kapag ang isang bagay hindi ka sigurado, medyo malabo at hindi mo alam kung hanggang saan iyon, libre kang mag-isip. Libre kang mangarap. Libre kang maniwala sa kung ano ang gusto mong paniwalaan. Libre kang magpatakbo ng imahinasyon mo. Lahat ng iyon, walang limitasyon. Kaya nga minsan sa pagiging libre nito, dito papasok ang tinatawag na "expectations". Pangit man o maganda.

Pero isa sa mga general rules ng buhay ay..

"BAWAL MAG-EXPECT. BAWAL MAG-ASSUME."

Siguro wag mo na lang pangunahan kung ano talaga ang "anong" iyon. Siguro maghintay ka na lang sa kung ano talagang manyayari. At habang hindi ka pa sigurado sa kung "ano" nga talaga ang bagay na iyon, wag ka na lang mag-isip. Basta dadating at dadating din sa puntong magiging malinaw din sa iyo yan.

No comments: