Monday, April 15, 2013

Malandi, Malibog, Lasinggera, Pakawala, Walang kwenta.


Kapag utak ang ang walang pagod na nagtra-trabaho nakakapagod din. Hindi ka gumagalaw pero tila may balong malalim na hinahalukay sa kalamnan mo. Hindi ka mapakali, hindi ka makahinga ng maayos, hindi  ka makagalaw ng matiwasay.
Pakiusap: Masyadong personal ang mga nakalahad, kung wala kang pakialam sa mga sasabihin ko at manghuhusga ka rin lang, wag ka na magtangkang maki-tsismis.
Nung isang linggo pa ito nagsimula. Masyado kasi akong gago para magpakawasak sa alak ng ako lang mag-isa kaya hindi ako nakauwi nung isang araw. At ng dahil dun, natatakan na ako ng isang pagkatao na hindi naman talaga ako. Ang hirap pala kapag yung mga mahal mo pa sa buhay ang mismong hindi naniniwala sa sinasabi mo.
Kilala niyo naman siguro ako. Ako yung tipong walang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.
Malandi, Malibog, Lasinggera, Pakawala, Walang kwenta.
Ilan sa mga salitang posibleng marinig ko galing sa ibang tao. Lahat ng iyan wala sa akin kung sa kanila manggagaling dahil alam ko kung ano yung totoo. Alam ko na hindi nila ako kilala. Pero malaking dagok sakin kung yang mga salitang yan ang maririnig ko mismo sa mga taong mahal ko. 
Masyadong masakit ang mga salitang nakasulat sa taas para lunukin ko ang mga ito lalo na kapag galing sa kanila. Sila yung mga taong inaasahan kong pinaka-huli na magsasabi sa akin ng mga ganyan, pero dun ako nagkamali. Siguro nga kagaya rin sila ng ibang taong walang alam tungkol sa akin.
Magulo ako, oo aminado ako dun. Loko-loko ako, mahilig akong umalis sa gabi, sumama sa mga tropang bagong kakilala, marami akong hikaw, abnormal ang buhok ko, umiinom ako, nasubukan ang mga hindi dapat, umuuwi ako ng madaling araw, uma-aura ako sa disco, nagmumura ako sa facebook, nagpo-post ako ng mga salitang tae, ebak, punyeta, bwusit at kung ano ng walang katikas-tikas, kulay berde ang utak ko at kulang na lang ata na sabihin kong adik ako.
Pero alam ko sa sarili ko na isang aspeto lang yun ng pagkatao ko. Importante sa akin ang buhay, pag-aaral, pakikitungo sa kapwa, pangarap at pamilya. Alam kong pinahahalagahan ko ang sarili ko sa paraan na gusto ko na walang makapagsasabi na ito ay tama o mali. Sapat na yun para sa akin para sabihin kong hindi ako masama at pakawalang tao. Hindi ako magpapaka-hipokrita at maghahanap ng isang kategorya o listahan ng mga katangian na dapat meron ako para lang masabi iyon. Sana ganun din ang mga taong nakapaligid sa akin.

Thursday, February 7, 2013

#BakitHindiTayo


Usong-uso ano? Trending na trending lalo na at papalapit na naman ang Valentine’s Day. Ang daming nagre-react, ang daming nakiki-react at madaming magre-react. Madaming dahilan kung “Bakit hindi kayo?”. Posibleng alam mo, pero kunwari hindi mo na lang alam para naman may mapag-usapan tayo. Ito ang ilan sa rason kung bakit paulit-ulit na tumatakbo sa isipan mo ang “Bakit Hindi Tayo?”
1. MAY GUSTO SIYANG IBA.
Eh ganun talaga ang buhay. Masakit man tanggapin, minsan hindi talaga natin nakukuha yung gusto natin. Minsan masarap isipin ng isipin na gumagana ang tinatawag nilang Law of Attraction, para naman may patunguhan ang pag-iisip mo sa kanya bago ka matulog, bago ka kumain, at habang tumatae ka o kapag naghihintay ka ng pinapainit na tubig pampaligo. Kaso hindi eh, kahit isipin mo siya ng 24/7 at mapagod siyang kakatakbo sa utak mo, wala pa rin. Di bale, sabi nila lahat ng sakit nagagamot ng panahon. Makakahanap ka rin ng taong magkakagusto sayo na gusto mo talaga. (Sana talaga.)
2. PRIDE. 
Ano ba ang Pride? Saan mo ba pwedeng gamitin ang Pride? Di ba panglaba yun? Eh anong ginagawa mo bakit hindi mo pa sabihin sa kanya na gusto mo siya? Masyadong madaming oras ang nasasayang, masyadong madaming emosyon ang nagu-umapaw. Pero wala pa rin nanyayari, alam mo kung bakit? Dahil sa PRIDE mo na hindi mo naman kayang ibaba, bitawan at kainin. Minsan kailangan mong magkaroon ng bayag na kasing tigas ng semento para umamin sa isang tao na gusto mo siya. Oo, masakit kapag hindi ka niya gusto, pero mas masakit kapag habang buhay tinago mo yun at wala ka ng ibang magawa kundi pagsisihan ang mga bagay na hindi mo ginawa. Hindi na nababalik ang oras, kaya simulan mo na ngayon kung gusto mo ng pagbabago.
3. HINDI PA ORAS. 
Masaya na kayo sa piling ng isa’t - isa. Parang sinabawang gulay ang pag-uusap niyo tuwing magkasama kayo sa mall, sa park, sa lrt, sa jeep, sa text, sa chat at kung saan. Kaso nga lang hindi pa pwede. Posible na dahil sa sitwasyon, sa mga taong nakapaligid sa inyo, magulang mo, nag-aaral ka pa, nagwo-work ka pa, magkalayo kayo, (insert lame reason here) o kaya natatae ka lang talaga kaya hindi ka pa handa. Ang saya na sana na may minamahal ka, kaso nga lang hindi ito yung tamang oras. Siguro kailangan mo muna ayusin ang mga gusot bago ka humakbang.. Dahil siguradong mas magiging masaya magmahal sa tamang oras.
4. HINDI KA NANIWALA.
Sinabi niya na sayo ng paulit-ulit. Pero hanggang ngayon hindi ka pa rin naniniwala. Manhid-manhidan ang effect? Anong gusto mong gawin niya? Kumain ng apoy at ibuga sa ere na may nakasulat na “Mahal kita”. Maraming tao ang nahihirapan maniwala sa isang bagay kung hindi niya ito nakikita. Maraming tao ang nahihirapan maniwala kung hindi niya ito naririnig. Pero bakit hindi mo subukan maniwala sa isang taong pinaparamdam kung ano ka ba talaga sa kanya? Baka mamaya matagal na niyang pinapahiwatig sayo ng pa-joke-joke lang (please see number 2 para maintindihan mo siya) pero yun pala, totoo na. Hindi ka lang naniniwala.
5. FRIENDZONESION 
Di bale, sabi nga sa TFTZ, may t-shirt ka naman! Bongga na yun matuwa ka na. Ano ba kasing ina-arte arte na masisira ang pagkakaibigan. Hipokrito. Lahat ng matinding pagkaka-ibigan, nagsisimula sa pagiging magkaibigan. Kaya nga tinawag na magkaibigan ang magkaibigan dahil nag-iibigan na kayo. (Oo tongue twister talaga yun.) Hindi sayang yun, kung yun ang ikakasaya nyong dalawa, wag kang matakot. Puso lang kapatid.
6. NATATAKOT KANG MASAKTAN. 
Actually, relevant din naman to sa number 3. Iniisip mo palagi na masasaktan ka lang. Ibig sabihin, hindi ka pa handa. Sabi nila mapait ang pag-ibig. Kaya subukan mo na lang pumunta sa kusina at magpapak ng kape para may initial taste ka kung gaano ito kapait. At kapag pakiramdam mo na kaya mo nang i-take ang lahat ng iyon, BRAVO. Isa ka ng ganap na mandirigma ng pag-ibig. Pagbutihin mo.
7.HINDI KAYO PARA SA ISA’T - ISA.
Kapag pinagsama-sama mo ang rason sa itaas, ito ang kalalabasan.
PS. Kaya kung gusto mo talaga at mahal mo ang isang tao, alam mo na sa kanya ka magiging masaya, gawin mo ang lahat at ipaglaban mo. Masarap mabuhay, lalo na kapag may minamahal. Wag mong sayangin ang oras at panahon.

Tuesday, January 8, 2013

Aesthetics


PAALALA: Hindi ako isang henyo, art student o pilosopo. Posibleng mali ang mga ideya na nakalagay dito. (Pero posible din naman na tama.)

Ano nga ba ang pinagkaiba ng pangit sa maganda? O ang mas dapat na itanong, may maganda at pangit ba talaga?

Maraming nagsasabi ng "Beauty is in the eye of the beholder". Para sa akin, totoo ito. Depende kasi talaga sa mga tao kung ano yung gusto niya. Depende rin ito sa mga bagay na nakikita niya sa paligid o kung ano-ano yung mga impluwensiya kaya niya nasabing maganda o pangit ang isang bagay, tao, panyayari o kung ano man.

Masyadong subjective at walang eksaktong kahulugan ang mga ito. Walang sukat na sinusunod, walang kulay na kailangan, walang hugis na tinitignan. Pero habang tumatagal ang panahon, pakiramdam ko nagkakaroon ng trend ang mga tao. Kung ano yung madalas na nakikita nila sa internet, sa telebisyon, sa pelikula, sa magasin, sa mall atbp. yun yung nasasabi nilang maganda. At kung ano yung bihira nilang makita sa mga lugar na ito, yun yung sinasabi nilang pangit. 

Kumbaga nagkakaroon na ng standards sa kung paano mo masusukat ang kagandahan o kapangitan dahil ito ang nakikita ng mas nakakarami. Ito yung nakikita kung saan-saan. O kaya pwede din na tinatanggap ng mga tao na ito ang "maganda" kasi ito yung mas gusto ng nakakarami (dahil nga sa mga nakikita nila) at "pangit" kapag hindi napapansin ng mga tao.

Parang "mabuti" at "masama". Mga salitang tumutukoy sa isang gawain, tao, hayop, bagay, ideya, atbp na wala naman talagang eksaktong kahulugan, kundi mga salita lang na pwede mong baguhin ang ibig sabihin depende sa impluwensya at kultura ng isang tao.