PAALALA: Hindi ako isang henyo, art student o pilosopo. Posibleng mali ang mga ideya na nakalagay dito. (Pero posible din naman na tama.)
Ano nga ba ang pinagkaiba ng pangit sa maganda? O ang mas dapat na itanong, may maganda at pangit ba talaga?
Maraming nagsasabi ng "Beauty is in the eye of the beholder". Para sa akin, totoo ito. Depende kasi talaga sa mga tao kung ano yung gusto niya. Depende rin ito sa mga bagay na nakikita niya sa paligid o kung ano-ano yung mga impluwensiya kaya niya nasabing maganda o pangit ang isang bagay, tao, panyayari o kung ano man.
Masyadong subjective at walang eksaktong kahulugan ang mga ito. Walang sukat na sinusunod, walang kulay na kailangan, walang hugis na tinitignan. Pero habang tumatagal ang panahon, pakiramdam ko nagkakaroon ng trend ang mga tao. Kung ano yung madalas na nakikita nila sa internet, sa telebisyon, sa pelikula, sa magasin, sa mall atbp. yun yung nasasabi nilang maganda. At kung ano yung bihira nilang makita sa mga lugar na ito, yun yung sinasabi nilang pangit.
Kumbaga nagkakaroon na ng standards sa kung paano mo masusukat ang kagandahan o kapangitan dahil ito ang nakikita ng mas nakakarami. Ito yung nakikita kung saan-saan. O kaya pwede din na tinatanggap ng mga tao na ito ang "maganda" kasi ito yung mas gusto ng nakakarami (dahil nga sa mga nakikita nila) at "pangit" kapag hindi napapansin ng mga tao.
Parang "mabuti" at "masama". Mga salitang tumutukoy sa isang gawain, tao, hayop, bagay, ideya, atbp na wala naman talagang eksaktong kahulugan, kundi mga salita lang na pwede mong baguhin ang ibig sabihin depende sa impluwensya at kultura ng isang tao.
No comments:
Post a Comment