Wednesday, December 28, 2011

Kung Ayaw Mo, Wag Mo.


Parang tanga naman kung paulit-ulit mong ipagsisiksikan yung sarili mo. Hindi nga “Parang” eh.. Tanga na talaga ang tawag dun. At hindi ako magpapaka-tanga.
Siguro naman kahit gaano kalaki ang ngiti na makita sa mukha ng ibang tao, malalaman at malalaman mo na peke ang mga iyon. Laging sinasabi na mahirap mag-assume, mahirap pangunahan ang mga bagay-bagay.. Pero kapag may kutob ka na ayaw nila sa iyo o kaya naman eh pakiramdam mo na basura este plastik na yung mga kaharap mo, maniwala ka. Manalig ka kapatid.
Hindi ka naman makakaramdam ng ganyan kung hindi nga ganun ang tingin nila sa iyo. Bakit ka pa sasama sa mga ganung tao? Hindi ba nila naisip na hindi masamang magsabi ng totoo kung mas makabubuti ito. Para saan ang pagtatago ng katotohanan, dahil ayaw makasakit ng damdamin? Aysus. Bulok. Luma na yan tsong.
Kung hindi ka naiintindihan ng mga taong nasa paligid mo, layuan mo na lang sila. Wag ka na magpakahirap na magpaliwanag sa bawat isa sa kanila. Para saan pa? Para pag-usapan ka na naman? Oras na nag-desisyon sila na ayaw na nila sayo, kahit ano pang gawin mo, may mahahanap at mahahanap silang mali na gagawin mo. Ganun kakikitid ang utak ng mga tao ngayon. 
Aaklain na maliit na bagay, pinapalaki? Eh kung subukan naman nilang palakihin ang pang-unawa nila? Hindi ba mas maganda kung ganun? Salita ng salita wala naman alam. Bira ng bira wala naman kwenta.
Tumawa ka na lang ng “Ha-ha-ha” habang nakaturo sa mga mukha nila. Bayaan mo na sila tsong. Wag na ipilit ang sarili.

Tuesday, December 27, 2011

Ang Magandang Naidudulot ng Pagka-EPAL ko.


EPAL AKO.


Hahahaha. Napakagandang panimula diba? Oo bakit ba. Epal ako eh. Ewan ko pero minsan kasi natutuwa talaga akong maki-epal sa kung anu-ano. Siguro nga, kagaya ng paulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit kong sinasabi... (O ilang ulit yun, nabilang mo?) na gusto kong may magawa ako habang bata pa ako.

Siguro kung follower na kita dati, nabasa mo yung mga posts ko na isa akong marshall sa simbahan. Yun yung parang security guard o bouncer ng mga rebulto na ipinaparada tuwing may prusisyon. Para maging maayos yung pila o kaya naman eh para hindi magkagulo yung mga tao. Nung nagkaroon ng Mr. and Ms. Rehabilitation Sciences nung 2nd year ako, ganito rin ang papel ko. (Pwede na talaga akong maging lady guard)

Nabasa mo rin siguro na yung ka-epal-an ko nung nakaraan na summer. Nagtuli ako ng mga bata sa Tarlac. Uulitin ko, hindi ako nagtahi kasi natatakot ako dahil nanunuod yung mga nanay nila. Kaya tiga-inject, linis at gupit lang ako nung mismong balat. Hahaha.

Eh ngayong magbabagong taon.. Umusbong na naman ang pagka-epal ko. Walang magawa na may kwenta. Naisip kong sumali sa mga volunteers sa Well Wishes event. Nakita ko lang sa facebook na kailangan nila ng volunteers kaya kahit wala akong kakilala dun, sumali ako. Buti na lang at may naaya ako na kaibigan. (Nakilala ko rin lang sa isang Go-see/Casting).



Dumating ako dun ng mga 11:30 am. Call time 11 am. Pasensya naman at lagi na lang ata akong late kahit saan ako magpunta. Meeting muna tapos inayos yung mga gagamitin na gamit para sa event sa mag-hapon.



Nahiya-hiya pa ako kasi syempre halos lahat ng kasama ay galing sa CSB. Eh hindi naman ako englishers na tao kaya nung una medyo tahimik lang. Pero nung tumagal e ayun, dumaldal na rin ng bongga. Hindi naman pala kasi sila kagaya nung naiisip ko pag minsan. Mababait sila tsaka hindi maarte. Matutulungin pa! :D



Nung tapos na kaming mag-ayos ng gamit, ayun!  Nag-start na kaming mag-trabaho. Nakakapagod ngumiti pero mas nakakapagod magpigil ng tawa kapag may nakita kang dumaan na nadulas sa harapan mo. Pero tuloy-tuloy lang ang trabaho. Sigaw dito, sigaw doon. "Donations po for the Sendong flood victims!" sabay smile na nagpapa-cute para mag-donate sila.




Mula umaga hanggang hapon walang upo-upo. Diretso lang. Masakit sa paa at nakaka-gutom. Bukod dun, nakakapaos pa at nakakangawit ngumiti at sabihin ang mga linya ng paulit-ulit. Pero kahit na ganun, pagkatapos nung event, masaya pa rin ako. Kakaibang experience na naman ang naranasan ko sa pagsali dito sa Well Wishes event. Ako rin pala ang nag-iisang tiga-UST na napadpad dito. (Hahaha. Pa-Epal talaga eh ano?)

Sa loob ng isang araw na pagpapagod, (sa tingin ko worth it naman ang pagod namin) nakalikom kami ng P40,023.30 (Forty thousand twenty three pesos and thirty centavos) galing sa mga mababait na nagbigay ng donations doon sa mall. Malaking bagay na rin yun para sa mga nabagyo ni Sendong.

Minsan talaga masarap din maging epal pagdating sa mga ganitong event. Bukod sa nakatulong ako sa mga kababayan natin na nabiktima ng bagyong Sendong, dumami na naman ang mga bagong kaibigan ko.


PS. maganda pala minsan manglimos sa mall.

Saturday, December 24, 2011


Merry Christmas mga tao! Masaya na rin ako ngayong pasko kahit hindi ko masyadong maramdaman, kasi ang sarap nung hamon na nabili ng nanay ko. Siyeeeet. Pamatay talaga. Kahit yun lang yung pagkain dito sa bahay, go lang ng go. Hahahaha! Ang tahimik ng mga kapitbahay namin, ano kaya ginagawa nila? Wala lang. Naintriga lang ako, parang ang saya kasi pumartey (ehem.. di ko pa natitikman yung mga bagong flavor ng t-ice.. ehem..) Magparteeeey na lang ako sa internet! Chaaaaarot.
Pakasaya guys! Pakawasak hanggang bukas hanggang new year na! Happy Birthday Jesus! ILOVEYOU sagaaaaaaad! Nga pala, happy valentines din sa mga mag-jowa!! (Ehem, medyo malamig kasi ngayon.. ehem) :D

Friday, December 23, 2011

Ang Paghahanap kay Elisa sa Bahay ni Lola Cora



Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang kwento ko. Sa sobrang haba kasi, panigurado na hindi kayo aabot sa dulo. Pero kung interesado kayong malaman, sige simulan niyo na ang pagbabasa.

Dalawang buwan na ang lumipas simula nung nakilala ko siya. Isang bagong kaibigan, itago na lang natin siya sa pangalang "Elisa".

Nakilala ko siya sa isang sikat na rakrakan festival dito sa Manila. Kaibigan niya kasi yung kaibigan kong may birthday nung araw na iyon. Sa lugar kasi na iyon napili ng kaibigan ko na i-celebrate yung birthday niya. Okay namang kasama si Elisa, masayahin at tawa ng tawa. Pagkatapos ng araw na iyon, trinato ko na rin siya na isa sa mga malalapit na kaibigan ko na pwede kong pagkatiwalaan.

Isang araw niyaya niya akong gumala sa Eastwood. Sakto lang kasi may event nun. Inisip ko na rin na kumbaga UBE yung manyayari nung gabing yun. Okay naman, dun ko siya nakilala ng lubos. Sobrang dami namin napag-usapan na personal na mga bagay. Kwenento niya yung mga nanyari sa kanya na pinagdaanan ko rin. Naintindihan ko siya kaagad dahil alam ko kung anong pakiramdam.Bukod dun, nalaman ko rin na mayaman pala sila.

Pinsan niya yung hinahangaan kong band photographer. Tapos doktor yung mga parents niya na nag-trabaho sa Kidney Center. Lagi niyang binabanggit yung matapobre at napaka-arteng Lola Cora niya. Hindi daw siya pwedeng magkamay habang kumakain at hindi pwedeng makisabay ang mga katulong nila sa kanila.  Mahilig siyang magbasa ng libro at maglagay ng kung ano-anong nail polish.Mahilig pala siya sa kape lalo na sa Starbucks. Nalaman ko rin na sa ibang bansa pala siya galing, partikular sa London, at nasubukan na rin pala niyang tumira sa Singapore at US. Hindi siya conyo pero kung kakausapin mo sa english, magaling siya at kitang-kita ang british accent.

Naging super close kami pagkatapos ng araw na iyon. Lalo na talaga nung napag-usapan namin yung mga bagay na pinagdaanan naming dalawa. Minsan tatawag na lang siya sa akin tapos makikipag-chikahan. O kaya texting. Dumating ang pasukan at naging abala na ako sa school. Hindi ko na siya nakakausap at nakakasama. Wala akong oras para sa mga ganung lakad lalo na kapag gabi. Hanggang sa naka-text ko yung isa pa namin na kaibigan.

"Ui, wag ka na lang siguro muna mag-text o kaya makipag-usap o kahit anong communication kay Elisa ha. Saka ko na lang sayo sasabihin ang dahilan kapag nagkita tayo sa personal."

Syempre, masama ang pakiramdam ko nun. Alam kong may mali sa relasyon nila sa isa't isa. Pareho ko silang kaibigan kaya wala akong kakampihan.

Nagkita kami nung isa ko pang kaibigan nung isang araw. Dun niya sinabi sa akin lahat ng rason kung bakit niya ako sinabihan ng ganun tungkol kay Elisa.

"Hindi ko alam kung paano ko to sisimulan eh. Uhmm.. Ano ba, basta mag-ingat ka ha Cea? Manloloko kasi si Elisa."

Sunod-sunod yung mga tanong ko. Hindi ko mapigilan mag-isip at magbigay ng kung ano-anong reaksyon. May kutob na ako noon pero hindi ko lang sinasabi dahil nga kaibigan ko siya. Dito ko nalaman na ang nakilala kong "Elisa" ay ibang tao pala.


Hindi totoo ang Lola Cora niyang matapobre dahil wala naman pala talagang "Lola Cora" sa mundo. Hindi sila talaga mayaman, normal lang ang estado nila sa pamilya. Hindi rin doktor ang mga magulang niya at nasa ibang bansa, andito lang sila sa Pilipinas. Marami siyang alam tungkol sa Kidney operations dahil may sakit na Cancer yung kuya niya sa kidney. At bukod doon, yung kaibigan ko ay ninakawan niya ng PSP, Camera at 1500php. Hindi rin totoo na nakatira sila sa London at nalibot niya na ang US at Singapore. Dito lang siya nakatira sa Pilipinas. Matagal na pala niyang ginagawa yung pagpapanggap para makasabay siya sa uso.

Hindi ko alam kung bakit ang galing niya magkwento, ang galing niya mag british accent at konektado lahat ng sinasabi niya. Marami rin kasi siya talagang kilalang tao na hindi makikilala ng kung sino lang. Siguro parte siya ng sindikato, o magaling lang talaga siyang umarte kaya madami siyang nagiging biktima. Ang target niya ay yung mga estudyante at mga kabataan na kasing edad din niya. Patong-patong na pala ang kaso niya na naka-file sa baranggay nila dahil sa mga ginawa niyang pangloloko.

Nagtataka ako kung bakit hindi niya ako ninakawan nung gabing iyon samantalang nakakalat lang yung camera at cellphone ko nun. Pero mas mabuti na rin na walang manyaring masama sa akin.

Kung nababasa mo ito Elisa, alam kong alam mo kung sino ka. Masakit sa akin na malaman na niloko mo lang kami, lahat ng pinakita ko sayo totoo at hindi kita niloko. Pinagkatiwalaan kita, maski yung mga sekreto ko sinabi ko sayo dahil kaibigan kita, sana maski niloko mo na ako panatilihin mong sekreto kung ano ang sekreto. Salamat na rin sayo dahil kahit paano hindi mo ako pinagnakawan maski napakagandang pagkakataon na iyon. Sana magbago ko na, matakot ka sa karma.

Basta ang payo ko lang, sa susunod wag magtitiwala kaagad-agad. Kung pwede nga lang, habang buhay wala na lang pagkatiwalaan dahil sa dami ng pagbabago na pwedeng manyari dito sa mundo, yung mga taong pinagkakatiwalaan mo, sila pa mismo ang magtataksil sayo.

Wednesday, December 21, 2011

Lilipas din

Yung mga sobrang lalim na emosyon, mas mabuti sigurong isulat sa papel kesa i-type sa keyboard. Masarap siguro baunin ang mga iyon sa paglipas ng panahon. Minsan sa pagsusulat, magugulat ka biglang mababasa ang papel. Hindi mamalayang may luhang kasama, matutuyo rin naman ang mga iyon sa tamang panahon. Tulad ng pagtuyo ng mga luha sa papel, dadating din ang araw na kapag binalikan ang nakaraan, magagawa mo nang ngumiti at tawanan ang lahat ng iyon.

Saturday, December 10, 2011

Ang Teorya sa Likod ng Flat na Gulong


Palagi ko na lang nasasabi na hindi umiikot ang gulong ng buhay ko kapag walang nanyayari. Parang flat. Pero may naisip ako kaya siguro laging nanyayari yun.


Malamang isa ako sa mga ambisyosang kabataan na ang daming gustong gawin sa buhay. At para sa akin, dapat lahat ng iyon ay magawa ko. (Malamang, sino ba naman ang ayaw?) Ang kaso lang kasi, gusto kong gawin ng sabay-sabay. Eh sabi ng nanay ko, hindi daw pwede yun. Dapat makapag-focus muna ako sa pag-aaral para kapag nakapagtapos na ako, magagawa ko na yung gusto ko.


Pero naisip ko naman, kapag puro pag-aaral lang ang inatupag ko at hindi ko sinunod kung ano yung mga passion (naks gumaganun na ako ngayon.) ko  sa buhay, parang masasayang yung kabataan ko. Syempre mas masaya kapag marami ka na naabot sa murang edad.
Sabi naman ng ate ko, mas sayang daw yung kabataan ko kapag hindi ako nakapag-focus ng maayos tapos hindi ko napagbuti yung pag-aaral ko kasi nga kung anu-ano pa yung inatupag ko. (O diba ang labo? Hindi ko na alam kung anong susundin ko.)


O baka naman kasi siguro ganun talaga. Hindi pwedeng pagsabayin lahat, kailangan meron ka munang isakripisyo para sa ikauunlad ng isa. Parang usapang boypren/girlpren/third party lang ano?


Anyway, ayun na nga. Naisip ko na baka siguro hindi umaandar yung gulong ko kasi sobrang magkalayo ng mga gusto ko.


Halimbawa, natutuwa ako sa mga teen photographers tapos sobrang galing nila tapos yung trabaho naman nila o kaya kurso na kinuha nila eh may kinalaman sa Arts. Minsan naman bilib na bilib ako sa mga laging perfect sa exams, yung mga determinado talagang makapagtapos. (Syempre lalo na kapag magdo-doktor.)


Eh ang sa akin naman, anong kinalaman ng banda, modelling, photography sa pagdo-doktor at pagpi-physiotherapist? Medyo malayo diba? Kumbaga kapag ginawa mo siyang vectors, yung isa papunta sa right tapos yung isa papunta sa left. O kaya naman kapag kinumpra mo siya sa cartesian plane, yung isa papunta sa positive tapos yung isa papunta sa negative. Edi syempre anong displacement nun? Anong kalalabasan nun? Edi Zero.


Hay nako. Ewan ko ba kung ano na naiisip ko. Basta bahala na siguro si Batman. Go lang ng Go hangga't makakaya. 

Wednesday, December 7, 2011

Sadya ba o dahil sa sitwasyon?


Sadya ba o dahil sa sitwasyon? Yun yung mga tanong na tumatakbo sa utak ko ngayon.

Kapag importante sayo yung isang tao, mahalaga sayo palagi kung ano yung relasyon niyo sa isa't isa. Kung paano kayo magtratuhan, kung paano kayo makitungo sa isa't-isa. At kung malapit kayo sa isa't-isa isa lang naman ang hihilingin mo eh. Yun ay yung manatili na maging malapit kayo sa isa't isa.

Pero sabi nga ng karamihan, kung hindi naayon, hindi manyayari. Nakadepende pa rin siguro sa tao yun kung ano yung manyayari. Kung paano pangangalagaan kung ano yung nabuong matibay na pundasyon ng samahan.

Pero siguro may mga pagkakataon sa buhay na manghihina yung pundasyon na nabuo niyo. Akala mo matibay na, yun pala kulang pa. Bigla na lang may magbabago. Yung inaakala mo na magtatagal na panghabang buhay, posible pala mawala na parang bula.

Thursday, December 1, 2011

White Blood Cells.


"Nakakatawa ka, nakakangiti ka. Pero inside you there's a battle going on."

Yan ang sabi ng prof ko sa isang subject. Pinag-uusapan kasi namin kung gaano kadakila yung mga sundalo ng katawan. White Blood Cells. Sila yung mga magigiting na bayani na nakikipagsapalaran sa mga bacteria, germs at virus para lang wag kang magkasakit. Kaya siguro kahit kumain ka ng hindi naghuhugas ng kamay, wala kang pakialam. Kasi alam mo na kapag malakas ang resistensya mo, hindi ka magkakasakit. Hindi ka mapapano.

Naisip ko lang, may mga pagkakataon sa buhay na kailangan mong lumaban kagaya ng mga White Blood Cells para naman hindi ka mapano. Minsan maski emosyon kailangan mong labanan para hindi ka masaktan. Lalo na kapag alam mo naman kung umpisa pa lang alam mo na kung ano ang kahihinatnan. Yun nga yung mga pagkakataon na "Nakakatawa ka, nakakangiti ka. Pero inside you there's a battle going on." Yung mga alam mong hindi dapat manyari, iwasan na kaagad.

Pero hindi rin kasi sa lahat ng pagkakataon malakas ang resistensya ng tao. Minsan nagkakasakit din. Minsan bumibigay din. Kaya yung mga bagay na hindi mo pinahihintulutan, nanyayari pa rin. Kahit ayaw mo, hindi napipigilan.