Sunday, January 8, 2012

Matalino man ang Matsing, Naiisahan din.


Ang dami na talagang masasamang elemento na nabubuhay dito sa mundo. Kung hindi ka magiging matalino at kung paniniwalaan mo lahat ng nakikita o naririnig mo, mas malaki talaga ang persiyento na mabiktima ka ng mga walang konsensyang tao. Maski bata, matanda, mukhang mayaman, babae, lalaki, buntis o pilay, hindi mo talaga masasabi kung sino ang totoong masama.

Magkwe-kwento lang ako tungkol sa karanasan namin ng mga kaibigan ko kagabi. Biglaan lang ang alis ko kagabi kasama yung dalawa kong kaibigan. Nagkita kasi kami ng mga POCKYKADA
sa bagong-bago na Gateway Mall sa Cubao. Eh kaso nga lang dahil sobrang late ako nakarating, waley. Medyo saglit ko na lang sila nakasama kaya napag-isipan kong i-text kung sino man ang pwedeng lumabas o tumambay.. Ayun, dalawa ang nag-reply. Go agad. Kahit hindi sila magkakilala, pareho naman silang friendly kaya wala naman gaanong ilangan na nanyari.

Sa Tomas Morato namin natripan gumala. Habang naglalakad papunta sa isang tambay place, biglang may mga batang lumapit sa amin na nagbebenta ng Sampaguita. Madumi sila, halatang asal kalye na tipong paglaki Gangster ang dating, dala-dala ang lang pirasong sampaguita at karton ng yosi na parang pamaypay.

" Ate, bili na po kayo ng Sampaguita. Sige na po. Parang awa niyo na po, pangkain lang."


E wala ako sa mood mamigay at wala rin naman akong barya para bigyan sila. Napansin ko na sobrang dikit ang ginagawa nila, at halata sa mukha nila na nagpapaawa lang sila. Hanggang sa nakahalata ako.

Sinigawan ko sila ng "Sorry ah, PERO WALA NGA KAMING PERA." Sinadya ko talaga yun para madaming tao ang tumingin sa amin at makakuha ng atensyon. Niyakap ko yung bag ko at naglakad ng mabilis papunta sa gwardiya. Nahalata ata ng mga kaibigan ko yung ginawa ko at mabilis din silang sumunod sa akin.

Utang na loob. Nasa Gimikan ka, Sampaguita ang ibebenta sayo? At bakit may dala-dala silang karton na pamaypay bawat isa? At bakit sobrang dikit ng dikit sila sa amin?

Napansin ko kasi na yung karton na ginagamit nila ay pang-takip sa mga kamay nila. Lalapit sila sayo para magbenta ng sampaguita tapos habang hawak yung sampaguita at karton sa isang kamay, yung isang kamay nila ginagamit nila para makakuha ng kung anong gamit na laman ng bulsa mo. Malamang hindi mo mapapansin kaagad kasi ang unang papasok sa utak mo, nagtitinda sila ng sampaguita.

Mabuti naman at walang nakuha sa amin maliban sa isang karton ng yosi na nasa bulsa ng kaibigan ko.

Sa panahon ngayon, hindi ka talaga pwedeng madala sa kahit anong epek na gawin sayo ng kung sino-sino. Mag-ingat palagi at maging mapagmasid. Maniwala ka sa kutob mo. At higit sa lahat, kung matalino sila, dapat mas matalino ka.

No comments: