Wednesday, January 18, 2012


Naghalungkat ako ng cabinet ko noong isang araw. Balak ko kasing kunin yung mga hindi ko na nagagamit. Siguro para na rin alamin kung ano pa yung mga anik-anik na itinago ko doon. Ilang piraso ng papel ang tumambad sa akin. Maliliit. Wala naman sulat. Parang maliliit lang na papel na ginupit. Pero nung tignan ko yung likod nun, may nakasulat. Pangalan ng isang mall. Cinemas. Ahh.. Alam ko na. Ito yung mga tiket na itinago ko noon.

Naalala ko medyo madami rin akong naipon na mga tiket noon sa sinehan. Itinago ko ang mga iyon. Remembrance kumbaga. Alam ko kasi na hindi lang basta-basta yung mga panahon na iyon. Pero hindi ko alam na nabubura din pala yung mga nakasulat dun. Tinitigan ko yung mga tiket at inalala kung anong mga pelikula yung palabas noon. Pero imbis na maalala ko, biglang sumagi sa isip ko na may mga klase ng ink na nabubura pag matagal na.

Sa halip na tinago, tinapon ko sa basurahan yung mga tiket. Naisip ko kasi na bakit ko pa itatago ang mga iyon kung hindi ko rin naman maalala kung anong partikular na pelikula galing ang mga yun.

Siguro nga, may mga bagay na kailangan nang bitawan. Dahil kapag hindi binibitawan, babalik ang memorya. Hihigpit ulit ang pagkaka-kapit. Walang katapusang pag-iisip at higit sa lahat ay may emosyon pa na kasama.

No comments: