Saturday, November 12, 2011

Eksena sa Beach


Malapit ng magtapos ang araw. Parang nasusunog ang mga ulap sa dahil sa nagtitingkaran na kulay. Dilaw at pula. Napakagandang pagmasdan. Pagod na pagod ako dahil outing ng buong barkada sa isang beach. Kaya lalong mas masarap ang pagtambay at ang panunuod ng paglubog ng araw. Medyo malamig na ang simoy ng hangin at nagsisimula na ring gumawa ng bonfire ang mga kasamahan ko para mamayang gabi. Habang nakaupo ako sa isang tabi, masayang pinagmamasdan ang mga ulap, ang mga alon, naramdaman ko ang isang kamay na nagtakip sa aking mukha.


"Sino ako?" tanong niya.


"Eh sino ka ba? Ulol." sagot kong pabiro. 


Habang tatawa-tawa, tinaggal niya ang pagkakatakip ng mga kamay niya sa aking mukha. Siniko ko siya sa tagiliran at pabirong sinuntok sa braso. Yan ang nakuha niya sa pang-iistorbo sa aking munting "Me Time".


"Adik ka talaga." sigaw ko.


"Ikaw nga dyan eh! Anong ginagawa mo?" tanong niya.


"Wala, eto nakaupo. Dun ka na nga." pagtataboy ko.


"Edi doon." sabay tayo. Nagsimula siyang maglakad palayo sa akin.


"Hindi! Joke lang." sigaw ko habang tumatawa.


Lumapit siya ulit at umupo sa tabi ko. Lalong dumilim ang paligid. Lalong lumamig ang simoy ng hangin. Alam kong magiging mahaba ang gabing ito.


"Uy. balita ko may fiesta sa kabilang baryo ah." sabi niya na parang ang tono ay nang-tsitsismis.


"O talaga? Ano naman?" sagot ko.


"Wala lang, may fireworks daw mamaya. Nuod tayo."


"O sige ba! Game ako dyan!"


Isang oras na ang nakalipas pero wala pa ring kasawaan ang aming mga bibig sa pagdadaldalan. Pag-aasaran. Pagtsi-tsismisan. Hindi na namin namalayan ang oras at nagulat na lang kami ng tinawag kami ng aming mga kaibigan.


"Hoy kakain na! Kayo ah. Ayieee!" may halong pang-aasar na hindi ko naman maintindihan. Wala lang naman sakin. 


"O tara, kakain na daw." sabi niya habang tumatayo.


"O tara." sabi ko habang inaabot ang kamay niya para magpatulong na tumayo.


Masarap ang naging pagkain namin. Seafoods. Kamayan. Ang sarap ng ganitong buhay. Simple lang. Pagkatapos kumain, tumambay ang lahat sa bonfire. Usap-usap, kwentuhan, may halong inuman, at tugtugan.


Biglang sumigaw ang kaibigan ko, "Ayaaaan naaaaaa!"


Narinig ko ang putukan at nakita ko ang kalangitan. Fireworks. Hindi ko alam pero tuwing nakakakita ako ng mga ganito, napapangiti ako. Napapasaya ako. Tinignan ko siya at nginitian, tumayo na rin siya at tumabi sa akin. Habang nanunuod ng mga nagkikislapang pagsabog sa kalangitan, naramdaman ko ang isang kamay na humawak sa kamay ko. At narinig ang isang matamis na bulong na "I love you."


Isa lang yan sa mga eksena na gusto kong maranasan sa buhay ko. Mukhang imposibleng manyari, pero walang masama sa pag-iisip ng mga ganitong klaseng bagay. Kahit hindi totoo, at least kapag iniisip ko, kahit paano nagiging masaya ako. 

No comments: