Naikwento ko na si Lottie dito sa blog ko. Pero kung hindi mo na matandaan kung sino siya, eto.
Siya yung pumalit sa kasambahay namin dati, yung tatlong araw o isang linggo pa lang ata eh nilibre na ni kuyang tiga-deliver ng tubig. (At pati ako naambunan ng grasya, salamat naman.) Kinabog ako ng lola mo dahil sa tagal ko dito, naunahan pa niya ako. Kasing edad ko siya, medyo chubby, kamukha ni Lottie na cartoons sa palabas na Princess Sarah, at higit sa lahat masayahin.
Naliligo ako ng hapon na iyon ng bigla akong ginulat nung boses niya. Akala ko naman kung ano ang sasabihin niya sa pagkakasigaw niya ng "CEARAAAAAAAAAAAAAAA!" Ayun naman pala, may itatanong lang.
"Asan ang ACCESS 2?"
"Ay di ko alam eh, bakit?"
Nakita ko na lang yung piraso ng papel na hawak-hawak niya. Isang brochure ng Access Computer College.
"Bakit gusto mo mag-aral?"
Siguro dahil na rin sa hiya, ngiti lang ang sagot niya. Pero alam kong "Oo" ang sagot sa tanong ko. Huminto kasi siya sa pag-aaral para mamasukan, syempre dahil sa napaka-"walang ibang rason"... kahirapan ng buhay.
Kinausap ko kaagad yung nanay ko tungkol dito. Inutusan niya naman akong samahan si Lottie para magtanong kung totoo yung "LIBRENG TUITION FEE" program na nakasulat sa papel. Kinabukasan pumunta kami sa Access.
Habang pinagmamasdan ko siya, nakikita ko sa mukha niya na magkahalong kaba at excitement yung nararamdaman niya. Totoo pala yung sinasabi nilang lumalabas sa aura at sa mata ng tao kung ano yung nasa loob niya. Nung nagtanong kami, hindi pala libre yung tuition pero nagulat ako kasi sobrang mura.
Isang sem, 4 months. Kailangan magbayad ng 200 pesos semi-monthly. 895 pesos para sa id at nstp fee, at 200 pesos reservation fee. Limang daan lang na estudyanteang kukunin nila kaya gusto ko na mapunta sa kanya yung slot. Maski wala na akong ibang pera, handa akong ibigay yung huling dalawang daan ko sa kanya. Kinausap ko siya kaagad, kinausap ko rin yung nanay ko na hindi pala libre. Pero ayos lang naman sa nanay ko, okay lang na pag-aralin namin siya tutal pinagtratrabahuan naman niya ito. Kaya ayun, binayaran ko na agad yung reservation fee niya para magka-slot na siya. Sobrang saya niya lang pagkatapos.
Ako naman... Parang sinampal sa mukha.
Isang sem, 2,695php. Samantalang ako gumagastos yung tita at tito ko sa tuition ko ng higit-higit pa. Siguro kung hahatiin ang tuition ko sa 2,695 halos 23 na tao na yung mapag-aaral nila.
Naisip ko.. wala akong karapatan para mag-reklamo sa hirap ng pag-aaral. Ang kapal lang ng mukha ko para sabihin na walang kwenta ang buhay ko at ayoko na mag-aral. Napaka-importante talaga ng edukasyon para sa ibang tao.. Talagang pinaghihirapan. Samantalang ako, isang swerteng bata kung maituturing, na may nagpapaaral na mababait na kamag-anak tapos magrereklamo lang ako. Hindi tama na mag-inarte ako sa pag-aaral. Dapat pagbutihin ko.
Minsan talaga, may mga bagay na kapag hawak-hawak mo hindi mo binibigyang halaga. Pero kung ano naman yung wala sa iyo, yun yung walang katapusang ninanais mo. Siguro kailangan mo lang talagang imulat ang mga mata mo sa paligid mo para masabi mo kung ano talaga ang importante para sa iyo.
1 comment:
"Pero kung ano naman yung wala sa iyo, yun yung walang katapusang ninanais mo."
nice! kaya pasalamat tayo may nagpapaaral sa'tin. Study hard! XD
Post a Comment