Thursday, November 10, 2011

11-11-11 Maaga pa naman



Alas nuebe ng umaga nang magising ako. Nagulat ako sa ate ko (kasama namin sa bahay) sa pinaggagagawa niya. Nagkikiskis siya ng pader. Bihira lang siya maglinis ng ganun. Hindi ko alam kung bakit, baka sinaniban ng espiritu ng kalinisan ngayong 11-11-11. Pagkabangon ko, diretso banyo para magmumug at maghilamos. Daan sa kusina, walang pagkain. Kinuha ko na lang ang juice na nasa ref pati na rin yung Marty’s chicharon sa cabinet. Yun ang umagahan ko.
Pagpasok ko sa kwarto, binuksan ko kaagad ang tv. Nakakaaliw lang manuod ng mga korning palabas tuwing umaga. Mga tagalized na bersyon ng kung anu-anong cartoons. Kahit korni, minsan natatawa pa rin ako. Siguro hindi ko matatanggal ang maliit na parte ng kamusmusan ko sa pagkatao ko. Lahat naman tayo may kabataan. Tawa ng unti. Makulit ang mga palabas, kailangan mong maging mababaw ng kaunti para makasabay ka sa kakornihan ng pinapanuod mo. Pero ayos nga yun eh, wala kang iisipin kundi ang manuod lang ng cartoons.
Tapos na. Nilipat ko ang channel nang mapunta ito sa isang palabas na ang usapin ay ang mga batang ama. May bago kasing teleserye na ipapalabas, yung Angelito. Mabigat na usapin pero ayos lang. Habang pinapanuod ko yung palabas, naiisip ko yung mga magiging anak ko. Masyado pang maaga pero inisip ko na kung ano yung mga bagay na gusto kong ituro sa kanila. Sa totoo lang, hindi pa nga sigurado kung makakapag-asawa ako pero gusto ko kasi talaga na maging maayos rin ang pagpapalaki ko sa kanila. 
Umaga pa lang ang dami ko nang iniisip. Pero hindi ko pa rin alam kung paano ko gagawing espesyal itong araw na ito. 11-11-11. Isang beses lang manyayari ito, sana maging makabuluhan.

1 comment:

Artiemous said...

trending na nga ang 11-11-11 pero ako man hindi ko alam kung papaano magiging makabuluhan ang araw na ito... actually patapos na araw kasi gabi na pero parang wala lang talaga. :D