Wednesday, December 26, 2012

Sayaw sa Ilalim ng Christmas Lights


PAALALA: Ang sumusunod na istorya ay isang kathang isip lamang. Masyadong "cheesy" at baka ikaw ay ma-tae. Tulad ng palagi kong sinasabi, isa itong ka-echosan. Gamitin ang utak kung maniniwala o hindi.

Kakatapos lang nung isang bakla na magsayaw ng "Who Run the World" na may kasamang pagbuga ng apoy at paikot-ikot na split. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa iyon maski na may special package siya na maski anong oras man ay maaring mapisa. Siguro, na-internalize niyang mabuti na isa siyang ganap na babae kaya't nalimutan niya ang kanyang special package.

Malalim na ang gabi pero nagsisimula pa lang ang kasiyahan. Medyo madami na ang matatandang nagsayaw ng cha-cha, tango, at kung ano-ano pang sayaw na pang-ballroom na hindi ko na alam. Tapos na rin magsayaw ang "Gangnam Gurlz" ng Oppa Gangnam style habang nakayapak pero naka-diamond formation. 

Natatawa na natutuwa, pinagmasdan ko ang bawat isa. Ganito pala talaga ang pista sa ibang bayan. Korni pero masaya. Barriotic ang dating pero nakakatuwa.

Nagulat ako ng sabihin ng host ang susunod na game. "Best Couple of the Night" Hindi ko alam at hindi ko maintindihan kung papaano ang larong iyon. Parang naririnig ko lang naman kasi ang mga ganito kapag merong mga Prom, Valentine's Day o kung ano-anong party na may mga kung ano-anong reward masabi lang na may reward.

"Ano to? Pano daw yung best couple of the night? Magpapacute sila tapos kakanta ng mga ala ASAP loveteams?" tanong ko sa katabi kong babae.

"Ah hindi, sasayaw sila dyan sa gitna." sagot naman niya sabay tumayo.

Ang sabi kasi nila, kapag nakita ka ng mga kalalakihan na maganda ka o maski may itsura, aayain ka nilang sumayaw. Kampante naman ako na walang magyayaya sa akin na sumayaw dahil pormang lalaki ang suot ko nun, samahan mo pa ng makakapal na lente ng salamin at awkward na ngiti.

Kasabay ang pagtugtug ng mga lovesongs, ang mga ilaw na nanggagaling sa christmas lights ang nangibabaw. Tapos na ang isang kanta, wala pa rin nagpupuntang magkapares sa gitna ng dancefloor. Akala ko mapapahiya ang nagpa-contest dahil wala naman ata interesando na sumali.

Tumugtug ang pangalawang kanta, nagulat ako ng biglang nagsi-tayuan ang mga magnobyo at nobya at biglang nagsayaw sa gitna. Ganun pala yun dito, may warm up pa kumbaga. Dapat pala hindi pinapangunahan ang mga bagay-bagay, ano mang oras pwede kang magkamali. O siguro, kailangan mo lang talaga tignan at maghintay sa mga susunod na manyayari bago mo isipin na "ah, wala na to".

Habang pinagmamasdan ko sila, naiisip ko rin ang sarili ko. Sinubukan kong isipin ang sarili ko na may kasayaw din. Masaya. Nakangiti. Naka-poker face sa personal pero kinikilig sagad hanggang buto. Inisip ko yung pakiramdam na lumulutang sa langit at parang wala ng ibang tao na nakapaligid samin. 

Maganda ang suot, nag-uumapaw sa saya hanggang sa lumalabas ito sa mga mata at ngiti. Habang nakikita ko ang kanyang mukha na tinatamaan ng christmas lights na iba-ibang ilaw, kikiligin ako pero hindi ko ipapahalata. Matatawa pero itatago sa loob. Habang nakahawak ako sa balikat niya, at nakahawak siya sa bewang ko nararamdaman ko na parang may kuryente na dumadaloy sa buong katawan ko. 

Ito na nga siguro to. "Haaaay ang sarap sa pakiramdam." <3

"HOY TARA NA!!!" 

Biglang may sumigaw sa likod ko at nabulabog ang munting mundo na nabuo ko. Tinatawag na ako ng nanay ko at kailangan na daw namin umuwi. Nagising ako sa munting panaginip ko at kinailangan nang umalis.

Muli, sinulyapan ko ang mga magkapareha na nagsasayaw. Tinanong ko sa sarili ko, sino ba ang kasayaw ko? Naisip kong hindi ko pa pala siya nahahanap. Hindi ko pa nahahanap yung taong kasama kong magsasayaw sa ilalim ng Christmas Lights. 

Friday, November 30, 2012

Ang Maasim na Ubas : Isang Parabula


PAALALA: Ang lahat ng nakasaad dito ay isang kathang isip lamang. Isipin kung maniniwala o hindi. Take time to realize at magmuni-muni.

Kakatapos lang ni Juan magtrabaho. Pagod na pagod at gutom na gutom. Nakita niya ang isang basket ng ubas sa lamesa. Alam niyang gusto niya nang kunin ang mga iyon at lantakan para naman mapawi ang gutom niya. Pero dahil magaling siya, kaya naman daw niyang pigilan ang kumakalam na sikmura niya. Pilit na naghanap ng ibang pagkain si Juan pero maski anong tingin niya sa mga cabinet sa kusina ay wala siyang makita. Kung meron man, mga de lata lamang na mukhang masarap pero pagbukas niya ay expired na pala. Inisip niya kung kakainin na ba niya yung ubas. Isip. Isip. Isip.

Palakas ng palakas ang tunog ng tiyan niya at alam niyang sumasakit na iyon dahil gutom na nga siya. Pero hindi pa rin niya kinuha yung ubas kasi naisip niya na baka maasim ito. Inisip niya na baka hindi ito masarap. Inisip niya na baka mamaya hindi naman pala safe ito kainin. Kaya ang ginawa niya tinignan niya lang yung ubas.

Hanggang sa lumipas ang ilang oras, nalipasan na rin siya ng gutom. Natatakam pa rin siya sa ubas pero hindi niya pa rin ito ginalaw. Naisipan na lang niyang lumabas muna at magpahangin sa labas.

Pagbalik niya, wala na ang isang basket ng ubas. Kinain na ng kapatid niya. Ayan tuloy, nganga.

MORAL LESSON: Wag ng magpatumpik-tumpik pa. Kung may nakahain sa lamesa, at nagugutom ka kainin mo na. Kung may gusto kang tao, sabihin mo na. Kung may nais kang gawin, simulan mo na. Wag mo na hintayin ang oras na mawala pa ang nasa sa iyo na.

Tuesday, November 27, 2012

Kung ayaw mong dumating yung araw na pati sayo hindi ako maniwala, wag na wag mo na ulit akong gagaguhin.


Siguro nga hindi mo naiintindihan kung bakit may mga bagay na nanyayari na hindi mo inaakala. Tila isang laro lang ang lahat, hindi pinag-isipan, hindi tinignan kung may masasaktan. Mga bagay na hindi mo inaakalang kayang gawin sayo ng taong pinagkakatiwalaan mo. Okay lang manggago, okay lang manloko, okay lang magbiro pero sana nasa lugar. Ang tao ay tao, hindi laruan na pwedeng gaguhin kapag wala kang magawa. Hindi tao-tauhan na parang isang manika. Hindi isang character sa isang video game na kaya mong kontrolin.

Pero alam mo kung bakit siguro may tiwala ka pa rin sa kanya? Kasi mas matimbang ang samahan niyo. Malalim, mabigat, at mahirap kalimutan. Hindi mo maiwan-iwan at kapag tinanong ka ng ganito..

"Kaya mo ba siyang iwan?"

Isa lang ang isasagot mo. 

Hindi.

Thursday, November 1, 2012


Hindi pa rin ako makatulog ngayon maski na kanina ko pa pinipilit na matulog. Kanina pa ako palipat-lipat, paiba-iba at paikot-ikot sa kama. Nakakadalawang libro na ako na wala naman kwenta pero ewan hindi pa rin ako tinatablan ng antok. Gusto ko na talaga matulog.
Habang nakahiga sa kama, hindi mo naman mapipigilan na mag-isip, magmuni-muni. Kung ano-ano lang. May mga pangit kang maiisip, may mga magaganda. Sa totoo lang, maski naman anong gawin mo tuloy-tuloy lang eh. Manuod ng tv, kumain, maligo, sumakay ng jeep, tumae, mag-ayos ng gamit, makinig ng music, makinig sa teacher, magcomputer, manuod ng porn, maglakad sa kalsada, kumain ng angel’s hungarian sausage, makitawa sa mga kaibigan, atbp. Laging tumatakbo yung kung ano-ano na naiisip mo may koneksyon man o wala sa kung anong nararanasan mo ngayon, noon o sa mga susunod na araw.
Kaya nga minsan talaga mas masarap na matulog eh. Pahinga lahat. Wala lang. Blangko. Itim lang. Ang sarap lang magshut-down minsan sa totoong buhay. Lalo na kapag naiisip mo yung mga bagay na masakit sa liver. Tulad ngayon..

Saturday, October 27, 2012

“Sa ngayon, blurred pa yan. Pero dadating din yung oras na magiging malinaw din ang lahat.”


Kapag ang isang bagay na hindi mo naman talaga nakikita, hindi mo naman talaga naririnig at hindi mo naman talaga nahahawakan, posibleng maituturing na isang guni-guni lamang o isang drawing.

Kagaya ng tubig kanal na tinatapakan mo tuwing baha at tag-ulan, hindi mo nakikita kung ano ang nandun sa loob basta ka na lang mandidiri at makikiramdam sa kung ano na yung posibleng gumapang sa paa mo. Kagaya ng isang salamin na hindi tugma sa grado ng mata mo, oo at nakikita mo pero hindi ka pa rin sigurado kung tama ba ang mababasa mo. Kagaya ng isang de lata na nabura na ang expiry date, hindi ka sigurado kung pu-pwede mo pa itong inumin o baka sumakit ang tyan mo kapag ginawa mo iyon. Kagaya ng isang isla na makikita mo kapag nakasakay ka sa isang barko, hindi mo alam kung malapit ka na ba doon o matagal-tagal pang byahe ang kailangan mo bago ka makarating doon.

Kapag ang isang bagay hindi ka sigurado, medyo malabo at hindi mo alam kung hanggang saan iyon, libre kang mag-isip. Libre kang mangarap. Libre kang maniwala sa kung ano ang gusto mong paniwalaan. Libre kang magpatakbo ng imahinasyon mo. Lahat ng iyon, walang limitasyon. Kaya nga minsan sa pagiging libre nito, dito papasok ang tinatawag na "expectations". Pangit man o maganda.

Pero isa sa mga general rules ng buhay ay..

"BAWAL MAG-EXPECT. BAWAL MAG-ASSUME."

Siguro wag mo na lang pangunahan kung ano talaga ang "anong" iyon. Siguro maghintay ka na lang sa kung ano talagang manyayari. At habang hindi ka pa sigurado sa kung "ano" nga talaga ang bagay na iyon, wag ka na lang mag-isip. Basta dadating at dadating din sa puntong magiging malinaw din sa iyo yan.

Tuesday, October 16, 2012

Ang Tunay na Lalaki


Babala: Ang mga sumusunod ay isang opinyon at isang obserbasyon lamang. Matutong rumespeto at gumalang. Para sa mga mambabasang lalaki, simulan mo na ang umilag at baka ikaw ay matamaan.

Napapansin ko lang, iba na nga talaga ang ikot ng mundo ngayon. Lahat talaga ang laki na ng pinagbago. Hindi ko alam kung paano nanyayari, pero dumadami na talaga ang mga "chicks" dito sa mundo. Ang nakakagulat doon, hindi lang babae ang chicks.. pati na rin pala lalaki. Bukod pa to doon sa mga tinatawag natin na mga beki.

Paano ko ba nasasabi na isang "chicks" ang isang lalaki?

Sa pagkakaalam ko, ang tunay na lalaki.. mas nakikitaan ng gawa kesa sa salita. Napapansin ko kasi, napakadaming lalaki ang magaling magsabi ng kung ano-anong pa-bilib masabi lang na "tunay na lalaki" sila. Ang dami nilang alam, ang dami nilang satsat, pero ang totoo "it does not apply." Hanggang doon lang. Wala ng kasunod. Period.

Ang titikas magsalita ng kung ano-ano na akala mo naman ay totoong opinyon at pananaw nila ang mga iyon. Ang galing magsabi kung paano tratuhin ang isang babae. Ang galing magsabi kung ano ang ganito, ano ang ganyan. Ang galing magsabi ng kung ano ang tama sa mali. Ang galing magsalita ng kung ano ang dapat sa hindi dapat. Ang galing magsalita ng kung ano-anong ka-sweetan na wala naman talagang laman. Ang gagaling. Palakpakan!

Pero para sa akin, mga chicks sila. Mga nagpapa-bilib at nagpapa-impress. Puro salita na wala naman kwenta at sila mismo ay hindi kayang gawin kung ano ang sinasabi nila.

Saturday, October 13, 2012

GV sa Umaga


Ang ganda naman ng umaga ko. Maagang-maaga nasa facebook na ako nang may nakita akong picture online. Kinilig naman ako. Iba talaga ang feeling sa umaga kapag may nakita kang rason para ngumiti at sumaya. Sabayan mo pa ng goodvibes dance music, masarap na pang-umagahan.

Minsan talaga kailangan mo lang pansinin yung mga simpleng bagay para lang sumaya. Hindi mo lang siguro napapansin, pero minsan ang mga ordinaryong bagay na ganito ang rason kung bakit mo masasabi sa sarili mo na.. "Ang sarap mabuhay."

Friday, September 21, 2012

Game Over


Babala: Ang ilan sa mga nakasulat ay isang opinyon lamang. Wag seryosohin, matutong respetuhin. :)

Paano mo nga ba masasabi kung game over ka na? Hindi naman talaga laro ang ilan sa mga bagay sa mundo. Pero ang buhay ay isang malaking gameshow, mapapatawa at mapapaiyak ka. At syempre, ikaw pa rin ang magdedesisyon kung ano ang gusto mong maging reaksyon sa premyo na makukuha mo.

Pero paano mo nga ba nasasabi kung talo ka na sa larangan ng pag-ibig?

LALAKI: Game Over kapag nababasted.

Pakiramdam ko, talo ang mga lalaki kapag nabasted. Malamang! Ang sakit diba? Mas matindi pa sa malalim na sugat na nilagyan mo ng halo-halong asin, alcohol sabay kinamot-kamot ng matulis na kuko ng mga mangkukulam. Pagkatapos mong ilibre, pakainin, bilhan ng damit, bilhan ng sapatos, bilhan ng bag, bilhan ng bulaklak at pakainin sa mamahaling resto ang mga kaibigan at buong baranggay nila, BOOM. Saka ka ilalagpak sa lupa.

Kaya siguro tanggap ko na (kahit nakakagulo pa rin ng utak.) ang mga kalalakihan ngayon may pagka-sigurista na. Hindi na sila yung kagaya ng mga sinaunang lalaki na talagang sumusugal sa pag-ibig. Ngayon marunong na sila maglaro ng mga "mind games" ng babae, minsan nga sila pa ang nangma-"mind games".  Nakakagulat man, pero iba na talaga ang panahon ngayon. Laging naninigurado kung may makukuha o wala.

BABAE: Game Over kapag umaamin.

Para sa mga babae naman, kitang-kita ko na talo sila kapag umaamin kaagad. Maraming nagagalit sa mga babae at kung ano-anong reaksyon na "Hindi naman pinapatagal ang ligawan, relasyon ang pinapatagal." pero sa tingin ko lugi talaga mga babae kapag umaamin. Kadalasan kasi, ang panliligaw ng mga lalaki ay parang laro. May kalaban, may premyo, may lives at syempre.. "challenge".

Kaso sa tingin ko, oras na malaman ng isang lalaki na nagugustuhan na siya nung babaeng nililigawan o pinopormahan niya, nawawalan na ng thrill ang laro. Nawawalan na ng "challenge". Kaya siguro natuto na rin silang magsawa at maghanap ng iba. At syempre, game over na para sa babaeng umamin. Lahat na ng pangarap nabuo niya mag-isa sa isip niya kasama yung lalaking manliligaw o pumoporma sa kanya. At kapag pakiramdam niya na sobrang high na siya, dun siya iiwan at ibabagsak sa lupa.

Kaya para sa inyo mga kapatid, sana maintindihan niyo na quits lang. Parehong may paraan ng pagkatalo. Pero kapag ang pag-ibig totoo, sigurado ako. Lahat panalo.

Saturday, August 11, 2012


Lunes ng nanyari ang insidente. Papasok ako ng iskwela ng i-check ko kung okay pa yung sasakyan ko sa may kanto. Ginagawa kasi ang kalsada namin kaya hindi ko maiparada sa garahe namin. Alas sais ng umaga yun. Okay naman. Maayos lahat.. Dire-diretso lang sa paglalakad hanggang sa malampasan ko ang buong kalsada ng Amayan.
Alas otso-kinse ng tumawag ang nanay ko sa akin. Naghihisteryo. Sinisigawan ako sa telepono habang nagtatago ako at nakayuko dahil nagkaklase kami ng mga panahon na iyon sa computer barn.
“Asan yung susi ng kotse? Wala. Nanakawan na tayo!”
Syempre hindi naman ako pwedeng lumipad at tumakbo sa nanay ko. Kung makapagsalita siya sa akin, parang kasalanan ko na nanakawan na ako. Pinutol ko kaagad ang tawag maski hindi ko alam kung ano yung mga nakuha. Basta hindi na ako maka-focus sa klase. Isip ako ng isip kung ano yung mga bagay na nawala, pagkatapos ng klase tinawagan ko siya ulit.
Napag-alaman ko na baterya ng kotse, mga tools at papeles na xerox lang naman pala ang mga nawala. Pero natakot ako na pakiramdam ko baka carnap talaga dapat, hindi lang niya alam kung paano mai-start dahil oldschool eh. Buti na lang mabait yung kaibigan ng nanay ko at tinulungan niya kami na mailipat sa ibang lugar yung kotse.
Lumipas ang ilang araw, hirap na hirap na kami ng nanay ko. Wala na kaming pera, wala pang baterya yung kotse, puro tulo pa ang bahay namin dahil sa malakas na ulan. Wala kaming mapagsabihan na mga kapamilya namin dahil siguradong pagagalitan lang nila kami at sasabihan na hindi nag-iingat. Kinagabihan, tinanong ko kung asan ang video camera ko na hiniram ng nanay ko sa akin nung isang araw..
Wala. Naiwan niya rin pala sa kotse.
So ibig sabihin, pati yun ay nawala at nanakaw. Lalo kaming nalungkot pero ang mas nakakalungkot para sa akin ay ang nararamdaman ng nanay ko. Parang sobra-sobrang paninisi sa sarili ang naramdaman niya. Paulit-ulit na umulan ng “Ang tanga-tanga ko” ang nanggaling mula sa bibig niya. Pero maski na ganon, wala pa rin kaming masabihan sa kamalasan namin..
Pero kaninang umaga, makatapos ang halos isang linggo ng pagdradrama at pagkalungkot kasabay ang pagbaha at pagbuhos ng ulan, umaraw na ulit. Nasabi na namin sa pamilya namin na minalas kami.Masaya lang dahil nakakagaan talaga sa loob kapag wala kang tinatago. Masaya talaga kapag naiintindihan ka nila at hindi ka nila sinisisi sa mga panyayari. Nakahinga na rin kami ng maluwag.
Mali pala ang pag-iisip na kapag may problema ka ay itago mo. Dapat pala ilabas mo para makahinga ka ng maluwag at mas mabilis na maka-move on.

Tuesday, August 7, 2012

Thoughts..


Ingat lahat.

Ibang-iba yung mga nakikita ko dito sa internet kumpira sa mga mukhang nakikita ko sa balita. Minsan talaga hindi mo na kailangan manuod ng drama kung gusto mong maiyak, manuod ka lang ng balita iiyak ka na sa sobrang lungkot dahil sa mga nanyari. Lalo na yung natabunan na isang pamilya kasama yung 3wks old na baby.

Pero pagbukas ko ng internet, napangiti na lang ako. "Pilipino nga naman" kahit nagkanda leche-leche na, tuloy pa rin ang ligaya. Consistent ang pagkuha ng mga litrato maski baha na, iniinstragram pa. Meron naman iba, tumatagay pa rin. Yung ibang bata naman nagsu-surf sa kalsada. Natuwa rin ako ng makita ko ang school ko habang binabaha na nakunan ni Paul Quiambao. (Ibang klase talaga yung photographer na yun. Astig.) 

Kitang-kita talaga satin na masayahin tayong mga pilipino. Talagang lumabas na naman yung sikat na sikat na "bayanihan", lahat nagtutulungan. Dito pa nga lang sa amin binaha yung mga kapitbahay namin, to the rescue naman yung iba na hindi naman binaha. Maski sila nakisulong para kunin yung mga bata na nalublub sa baha.

Yun nga lang.. may mga OA din na pilipino na kung ano-anong sinasabi na pati ang bibliya dinadamay sa mga nanyayari. Coincidence lang to, wag masyadong mag-isip. Ingat na lang sa lahat. Wag na kayo umalis sa bahay kung wala naman importanteng pupuntahan. :)

Friday, July 27, 2012

Sarili ko to, Pake mo?


Uso ata ngayon ang paglalagay o pananamit ng mga tao sa ibang tao. Kadalasan, madami ang nag-aakala na alam na nila ang pasikot-sikot ng bituka mo. Sila na mismo yung naglalagay ng katangian mo o kaya sila na rin ang sumasagot kung sino ka, ano ka pati na rin ang mga kagustuhan mo. Kung ikaw ang nasa lugar ano ang gagawin mo? Susubukan mo bang baguhin kung ano ang nakatatak sa isipan nila o paninindigan mo na kung ano ang alam nila?

Ako.. nababagabag din. Pero sa dulo, napagisipan kong ano man ang sabihin nila.. kung saan ako masaya, yun ang dapat na gawin ko. Kung ano talaga ako, yun ang ipapakita ko. At kung hindi ko man maabot yung mga ekspektasyon nila, hindi ko na problema yun.

Wednesday, July 25, 2012

Isang Pagdra-drama ng Echoserang Bata


Hi! Ako si Ceara ang Echoserangbata.

Okay, matagal-tagal na akong hindi nakakapagsulat pero sana kilala pa ninyo ako. Ako kasi aaminin ko, parang wala na akong kakilala. Parang wala akong alam sa mga nanyayari sa balita, sa latest ng tugtugan sa radyo, sa mga tiga-korea, sa mga teledrama, sa mga buhay ng PBB teens pagkatapos nilang lumabas ng bahay ni kuya, sa showbiz balita at sex scandals ng mga artista, sa buhay ng prof ko na nakasulat sa kani-kanilang blog, sa mga chismis ng taong nakatira sa may Anobing St., sa latest na virgo horoscope, sa larong audition, sa blog kong malaswa, o maski sa mga kaibigan kong may kanya-kanyang dilemma.

Parang pakiramdam ko, masyado akong nailalayo sa kabihasnan. Parang napakalayo ko na sa lahat ng bagay. Maski mga salitang tagalog nalilito na rin ako kung papaano gagamitin.
Tao pa ba ako? O isa na lang akong unidentified living object na nakatapak ang paa sa mundong Earth? Resulta ba ito ng pagpapakasasa sa pag-aaral o dahil lagi na akong tulog?
Bahay, CR, LRT, Iskwela, Garapal na mga trike drivers, at putik-putik na kalsada sa tapat ng bahay namin. Yun na lang ba ang mundong ginagalawan ko sa ngayon? Paulit-ulit akong nagrereklamo sa buhay kong sirang plaka na paulit-ulit at walang nanyayari. Nagpapapakapagod sa isang kursong 50-50 kung mairaraos. Parang isang zombie na walang gusto, walang alam, walang pakialam.

Tao pa ba ako? Humihinga ako, kumakain, tumatae at umuutot pero kagaya ng isang galon ng tubig na mabibili, walang lasa at walang kulay.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganito. Pakiramdam ko wala na akong kaibigan. Lagi kong sinasabi na may isang linya sa pagitan ng pagka-"miss" at pagkalimot. Parang lahat ata nalimutan na ako. Nakakalungkot. Lahat na lang kasi ng mga kaibigan ko, may kanya-kanyang buhay. At kapag yayain nila akong mag-goodtime, laging hindi ako pu-pwede.

Nagsasawa na ako sa ganitong takbo ng buhay ko na paulit-ulit na niyaya, paulit-ulit na gustong sumama pero kailangan tumanggi. Ang dami-dami kong sinasabi pero isa lang ang ibig sabihin niyan, namimiss ko na magkaroon ng buhay.

Namimiss ko nang tumawa ng malakas, manuod ng sine o gig, um-aura sa mga lasing na bastardo sa mga club, magsuot ng mga wirdong damit, mag-internet maghapon, magbasa ng magazine, makipagbaklaan sa mga babaeng mae-echos at kumuha ng mga litrato ng ibang tao na hindi ko naman talaga kakilala,namimiss ko na yung pakiramdam na magkaka-crush at kikiligin hanggang sa pwet, namimiss ko na yung mga kaibigan ko na alam ko naman na hindi ako namimiss dahil nakalimot na sila..

Namimiss ko na ang buhay ko. Namimiss ko na yung mga bagay na gusto ko talagang gawin. Namimiss ko na yung oras ko na nakangiti, magaan ang loob at walang prinoproblema. Namimiss ko na ang aking pagka-echoserang bata. Namimiss ko na ang mga kalokohan ni "CEARA". Namimiss ko na ang sarili ko.

Wednesday, June 13, 2012

Puma-Praktikal: Ang Koneksyon ng Uri ng "Cell" sa Libog


Babala: Ang mga idelohiyang nakasulat dito ay posibleng hindi magustuhan ng mga matatandang may pagka-konserbatibo, mga bata, at makikitid ang utak. Kung isa ka sa mga nabanggit ko, itigil mo na ang pagbabasa.
Nakakatawa talagang isipin na may mga ugali ang mga tao na sadyang maihahalintulad sa mga parte ng katawan o maski sa kaliliit na organismo. Para mas maintindihan ang mga bagay-bagay ng mas mabilis tungkol sa uri ng “Cells”, nangulit na naman ang pagka-echosera ko.
Kanina kasi tinuro sa amin na ang mga “Cells” ay nahahati sa tatlong uri; Labile, Quiescent at Non-dividing. Kagaya ng sinabi ko kanina, kailangan maka-isip ka ng paraan para mas lalong matandaan, kaya ito ang sa akin.
Ang mga cells na ito ay parang mga tao na hinati-hati sa lebel ng kanilang kalandian o kalibugan. (Napangisi ka siguro ano? Praktikal lang tayo dito kapatid.)
Ang mga taong sobrang libog ay parang mga Labile cells. Ito yung mga taong masyadong mahilig gumawa ng milagro kaya palaging nagre-reproduce. Kakatapos lang ng isa, may kasunod na kaagad. Walang tigil. Walang sawa. Hanggang sa dulo ng walang hanggan, gora lang ng gora.
Ang mga tao naman na “Hindi ko gagawin, pero wag mo akong pipilitin” ang drama ay parang mga Quiescent cells. Mga pakipot sa umpisa pero bibigay din pala. Mga taong kapag pinilit ng pinilit ay “Capable” din pala. Sa tingin ko dapat ang mga tao parang quiscent cells. Saktong libog lang kumbaga. Nasa lugar. Hindi yun lang ang palaging naiisip, nakakausap pa rin ng matino at maayos.
Ang pinakahuli ay ang mga Non-dividing cells. Kung sa tao, ito naman yung mga menopause na o kaya naman ay wala ng asim. Mga hindi na pu-pwede at uubra sa maligalig na mga gawain. Mehehe.
Ngayon alin ka sa mga cells na nabanggit ko? Labile, Quiescent, o Non-dividing?

Thursday, May 31, 2012

Reyna ng Sablay: Juskopo! Malas ng Araw ko.


Hindi naman ako naniniwala sa mga pamahiin shits o kung ano man. Siguro totoo, siguro hindi. Pero kanina tinamaan ako ng kalahating malas. Sa di inaasahan na pagkakataon, biglang bumagsak yung takip ng make-up na nililinis ko. May shoot kasi kami kanina sa Patio Ibarra. Basag ang kalahating salamin na nakakabit sa make-up.Oh well papel, pinulot ko na lang yung basag at itinapon sa plastik.
Quezon Avenue. Dun ako pupunta at hindi ko naman alam kung anong jeep ba ang sasakyan ko. Pero nasabihan naman ako ng nanay ko na Welcome Rotonda nga daw galing samin. Nakasakay naman ako agad, tinanong ko yung drayber kung dadaan ng Patio Ibarra, sabi niya Quezon Avenue lang daw dadaan. So malay ko ba kung san sa lupalop ng mundo ng Quezon City kung saan ang Patio Ibarra. Pagdating mismo ng Q.Ave sa may corner ng timog, bumaba na ako ng jeep para maglakad na lang para mas mabilis maghanap. Nung nagtanong ako sa mga Brgy. na nagkwekwentuhan, dire-diretso lang pala. Edi sana hindi na lang ako bumaba sa jeep para hindi na ako naglakad ng mahaba. Juskopo! Malas ng araw ko.
Photoshoot, sakto lang. Masaya naman, ang ganda nung kliyente namin. Di na kelangan “spot healing” sa sobrang kinis. Kaso ang problema…. WALANG ILAW. Nahirapan ako ng mga one million sa pag-shoot dahil sa madilim at incandescent na ilaw. At wala naman ako flash diffuser kaya papel na lang ginamit ko. Ang hirap… Juskopo! Malas ng araw ko.
Pagkatapos ng shoot namin, malakas ang ulan. Kailangan kong maghanap ng taxi pauwi sa kalagitnaan ng malakas na ulan.. biglang napigtas yung dikit ng mga strap ng sandals ko. Juskopo! Malas ng araw ko.
Nakahanap naman kami ng taxi. Ang problema, umiral naman kamalasan ko. Si kuyang drayber, masyadong magulang. Akalain mong quezon ave to quezon ave, 68php na agad ang pinatak ng metro. At kung umandar, daig pa ang mga pagong sa karera, sobrang bagal. At halatang sinasadya para naman tumaas agad ang metro. Nabwisit ako at sinita ko.
“KOYA! May sira ba tong sasakyan mo? Bat ang bagal mo magpatakbo? Nako pagdating sa bahay pupusta ako 150 na metro ko.”
Aba, nagalit pa si kuya. “Baha baka masiraan tayo!”
Tumingin ako sa kalsada, potek, baha ata yung mata niya ng muta. Dahil hindi naman baha. WATDAPAK! Juskopo! Malas ng araw ko.
Pagdating sa kanto, trapik. Wala na akong pera. Mali pala ang hula ko, dahil 150php na wala pa ako sa bahay ko. Kaya bumaba na lang ako sa kalsada para maglakad, medyo malapit na lang naman. Ang problema, baha! Kailangan kong umiba ng ruta na mas malayo para makauwi. Baha, pigtas ang tsinelas ko, mabigat ang bag ko, at mainit pa rin ang mani sa magulang na drayber. Juskopo! Malas ng araw ko.
Pagdating ng bahay, ramdam na ramdam ko parang ang malas ko. Pinaalala bigla nung katulong namin na nakabasag ako ng salamin na one half.

Sunday, May 20, 2012

Hoy Gising!


Naikwento ko na si Lottie dito sa blog ko. Pero kung hindi mo na matandaan kung sino siya, eto.
Siya yung pumalit sa kasambahay namin dati, yung tatlong araw o isang linggo pa lang ata eh nilibre na ni kuyang tiga-deliver ng tubig. (At pati ako naambunan ng grasya, salamat naman.) Kinabog ako ng lola mo dahil sa tagal ko dito, naunahan pa niya ako. Kasing edad ko siya, medyo chubby, kamukha ni Lottie na cartoons sa palabas na Princess Sarah, at higit sa lahat masayahin.
Naliligo ako ng hapon na iyon ng bigla akong ginulat nung boses niya. Akala ko naman kung ano ang sasabihin niya sa pagkakasigaw niya ng "CEARAAAAAAAAAAAAAAA!" Ayun naman pala, may itatanong lang.

"Asan ang ACCESS 2?"

"Ay di ko alam eh, bakit?"

Nakita ko na lang yung piraso ng papel na hawak-hawak niya. Isang brochure ng Access Computer College

"Bakit gusto mo mag-aral?"

Siguro dahil na rin sa hiya, ngiti lang ang sagot niya. Pero alam kong "Oo" ang sagot sa tanong ko. Huminto kasi siya sa pag-aaral para mamasukan, syempre dahil sa napaka-"walang ibang rason"... kahirapan ng buhay.

Kinausap ko kaagad yung nanay ko tungkol dito. Inutusan niya naman akong samahan si Lottie para magtanong kung totoo yung "LIBRENG TUITION FEE" program na nakasulat sa papel. Kinabukasan pumunta kami sa Access.

Habang pinagmamasdan ko siya, nakikita ko sa mukha niya na magkahalong kaba at excitement yung nararamdaman niya. Totoo pala yung sinasabi nilang lumalabas sa aura at sa mata ng tao kung ano yung nasa loob niya. Nung nagtanong kami, hindi pala libre yung tuition pero nagulat ako kasi sobrang mura.

Isang sem, 4 months. Kailangan magbayad ng 200 pesos semi-monthly. 895 pesos para sa id at nstp fee, at 200 pesos reservation fee. Limang daan lang na estudyanteang kukunin nila kaya gusto ko na mapunta sa kanya yung slot. Maski wala na akong ibang pera, handa akong ibigay yung huling dalawang daan ko sa kanya. Kinausap ko siya kaagad, kinausap ko rin yung nanay ko na hindi pala libre. Pero ayos lang naman sa nanay ko, okay lang na pag-aralin namin siya tutal pinagtratrabahuan naman niya ito. Kaya ayun, binayaran ko na agad yung reservation fee niya para magka-slot na siya. Sobrang saya niya lang pagkatapos.

Ako naman... Parang sinampal sa mukha.

Isang sem, 2,695php. Samantalang ako gumagastos yung tita at tito ko sa tuition ko ng higit-higit pa. Siguro kung hahatiin ang tuition ko sa 2,695 halos 23 na tao na yung mapag-aaral nila.

Naisip ko.. wala akong karapatan para mag-reklamo sa hirap ng pag-aaral. Ang kapal lang ng mukha ko para sabihin na walang kwenta ang buhay ko at ayoko na mag-aral. Napaka-importante talaga ng edukasyon para sa ibang tao.. Talagang pinaghihirapan. Samantalang ako, isang swerteng bata kung maituturing, na may nagpapaaral na mababait na kamag-anak tapos magrereklamo lang ako. Hindi tama na mag-inarte ako sa pag-aaral. Dapat pagbutihin ko.

Minsan talaga, may mga bagay na kapag hawak-hawak mo hindi mo binibigyang halaga. Pero kung ano naman yung wala sa iyo, yun yung walang katapusang ninanais mo. Siguro kailangan mo lang talagang imulat ang mga mata mo sa paligid mo para masabi mo kung ano talaga ang importante para sa iyo.

Wednesday, May 16, 2012

Tanong: Kapag nagsara na ang videocity tapos hindi ko pa nababalik yung bala, ibig sabihin ba nun akin na yun?


Balik na naman ako sa buhay na walang magawa. Pero mas okay na yung pakiramdam ko ngayon kesa nung mga panahon nung naunang tambay life ako ngayong bakasyon. Masaya lang kasi ang dami kong nakilalang kaibigan nung isang araw.

Ang liit lang ng mundo.

Si Karinakarina, nakilala ko lang sa soundcloud at sa facebook. Kaibigan niya si Choco. Si Choco, kaibigan ko na nakilala sa facebook at sa gigs ng banda. Si Khris kaibigan ko na nakilala sa videoshoot nila Cathy (Sopiz pa siya nun, ngayon solo artist na; Siya yung kumanta ng "Ayaw na kung ayaw") dahil bestfriends sila nung highschool. At dahil mahilig si Choco sa gigs, nakilala niya si Cathy. Pinakilala ko si Khris kay Choco dahil naghahanap siya nun ng chicks, oh well papel, barkada na sila ngayon. At si Karina naman, kilala na rin niya si Khris dahil kay Choco at gusto niya si Cathy.

Yan ang unang circle of friends na kasama sa kwento ko.

Hind ko pa nakikita si Karina sa personal pero lagi naman kami nagkakausap. Tiga-Cavite siya pero pumupunta rin siya dito kapag may shoot sila. Sooo isang umaga, nagulat na lang ako ng yayain niya akong magkita sa gateway. Ti-next ko kaagad sila Choco at Khris para naman get-together na.

Akala ko kami-kami lang. Pagpunta ko ng gateway..

Kasama ni Karina si Arkho (gitarista ng Circa). So pinakilala siya sa amin, di ko alam na napanuod ko na pala sila sa isang gig na kasabay ng Tanya Markova. Tapos biglang dumating ang kaibigan din ni Karina na si Lien, nagkakilala lang din daw sila sa facebook at common friend. Unting hintay lang, dumating naman si Nico. Kaibigan din ni Karina na first time din niya imi-meet.

Lahat sila first time ko lang nakasama nung araw na iyon maliban kay Choco at Khris. Pero alam mo yung feeling na sobrang saya, tamang tambay lang. Pumunta kami sa UP naglakad, nagkwentuhan, nag-longboard, nag-piktyuran, lahat kami hindi magkakakilala. Pero sa sobrang liit ng mundo nagkakila-kilala kami.


Alam kong madami pa akong makikilala dito sa mundo pero inaasahan ko na kagaya ng mga kaibigan ko sa iba pang lugar, magtatagal din to. :D

Soo.. Sa liit ng mundo.. Mahahanap pa kaya ako ng may-ari ng videocity para kunin yung mga hiniram ko na bala?

Friday, May 11, 2012

May Bago Akong Girlpren


Maganda sila at ako.. Pogi ko talaga. Ahihi. :”>
image
With Jessica Mendoza of Magic 89.9
image
With Andi Manzano
image
:”>

Thursday, May 10, 2012

AYOKO NG TAONG NANG-IIWAN SA ERE.

Ang sakit.

Kaya ko ba?


Lagi natin sinasabi na "Dapat magtiwala ka sa sarili mo". Mga tipong "Kung hindi ka bilib sa sarili mo, sino bibilib sayo?" Tama nga naman talaga yung mga ganung kasabihan. Pero parang ang hirap naman gawin. Madali lang kasing sabihin yung mga bagay na ganyan kapag natapos mo nang gawin o di kaya naman ay masaya at madali pa ang mga bagay-bagay.

Pero kapag dumating sa mga sitwasyon na kailangan mo talagang magdesisyon kung magko-commit ka sa isang bagay, ang daming oras na kailangan para mag-isip. Dadating ang takot at pagdududa sa bawat responsibilidad na maaring ibigay sa iyo. Pero sa dulo, kapag nagawa mo ang lahat ng iyon masarap sa pakiramdam. May isang bagay ka na pwedeng ipagmalaki tungkol sa sarili mo. Takot lang naman talaga ang humahadlang sa lahat ng bagay. Kaya ito rin ang dapat mong labanan. Kung saan ka natatakot, yun ang harapin mo.

Pero ako sa ngayon.. Hindi ko alam kung kaya kong gawin yung mga sinasabi ko. Ipokrita na kung masasabi pero hindi ko rin mapigilan na magdalawang isip at magduda sa kakayanan ko. Iba talaga ang pakiramdam kapag ikaw na yung mismong nasa sitwasyon.

Alam kong gusto kong gawin. Alam kong malulungkot ako kapag hindi ko ginawa.. Pero....
Kaya ko ba? Yan ang tanong ko sa sarili ko. Kagaya rin ng iba. Takot at nagdududa.

Tuesday, May 8, 2012

Mangarap ka lang ng Gising


Kakapanuod ko lang ng pelikulang "PROM" nung isang araw. Dahil paulit-ulit lang naman yung buhay ko ngayong summer, masyado ata akong naapektuhan doon sa mga pinapanuod kong pelikula.

Lahat naman siguro ng andito nakaranas na magpunta sa prom, o kung hindi man prom.. sa ball. (Kung ako ang tatanungin, parang pareho lang naman ata iyon? Pero siguro kasi kapag ball dapat mga pang-prinsesa ang suot. Mga tipong pang hot air balloon ang datingan ng gown at dapat may kalesa pa na kasama parang si Cinderella.) Ako kasi nakaranas ako ng ganyan-ganyan pero abnormal ata yung experience ko. Paano ba naman kasi, galing ako sa isang all-girls school kaya nung nagkaroon kami ng ganyan.. FAIL. Puro babae.

Okaaaaayyyyy. So pwedeng magdala ng mga lalaki pero dahil nung mga panahon na iyon ay wala pa akong kamandag (so ibig sabihin ngayon meron na?! BIG WURD. Jooooke. Hahaha) este wala pa akong lakas ng loob sa mga date-date na yan. Lahat ng kasama ko nun babae at tomboy. (Uhmm.. mga nakadamit pambabae pero pwede naman dahil hindi naman talaga sila hardcore lesbian look talaga.)

Pagkatapos kong mapanuod ang pelikulang iyon, parang nakaramdam ako ng inggit. Alam mo yun? Paano ba naman kasi ampogi nung bidang lalaki dun. Yung rakstar na nagmo-motor na badboy. AYIIIIEEEE. Di joke lang, ang saya lang kasi siguro maka-experience ng totoong prom. Hindi yung prom-prom-an lang na for the sake na masabi mong "prom". (Wag ka, kasama pa ang parents at faculty namin nung promnight namin. Weird no?)

Ang saya lang nung excitement ng bawat isa na nadama nila. Lalo na yung mga mag-jowang walang katapusan na nagtatanong ng "prom?" na akala mo naman ay napakalaking wedding proposal. Yung pagpili nila ng isusuot na may nalalaman pang "fitting" tapos may poging badboy na nag-aabang at mai-starstruck sayo paglabas mo ng fitting room. Yung feeling na may botohan pa kung sino ba yung king and queen shits at titignan mo sila sumayaw maski wala ka naman talagang pakialam unless jowa mo sila. Yung feeling na namomoblema ka sa kulay ng sasakyan mong limo maski wala naman atang limo dito sa Pilipinas. Sana magkaroon din ako ng ganung experience. Lahat perpekto..

Pero syempre, lahat yun talagang maganda. "Pelikula" eh. Sabi nga ni KC Concepcion, "Not like the movies".. 

Saturday, May 5, 2012

Thursday, May 3, 2012

"Mabuti na siguro yung ganito.. na paniniwalain ko siya na hindi ko siya mahal. Baka sakali sa ganitong paraan, minamahal niya ako."


Linya ni Intoy sa pelikulang Ligo na U, Lapit na Me. Pagkatapos ng matagal na pagiinarte na hindi ako nanunuod ganito, ganyan.. na ang hirap maghanap ng ganung pelikula sa mga bilihan ng dvd.. napanuod ko na rin sa wakas. :D

Pumunta kasi ako kanina sa Oh Shoot store, kasama ko si Nheyki. Bumili siya ng Diana Mini na sobrang cute. Nakakatuwa yung tindahan nila, talagang ang sarap tambayan. Tipong kahit buong maghapon ako doon hindi ako maiinip sa dami ng makukutingting. Sayang lang dahil wala doon yung may-ari, hindi tuloy nakatambay. Kailangan timing-an. Hahaha. :D
Kanina pagkatapos kong samahan si Nheyki sa Store, tumambay muna ulit ako mag-isa at nagliwaliw. Kumain saglit at umuwi na. May nadaanan akong Video City. Naisip ko rin na dumaan doon.

Natuwa lang ako kasi buti na lang may mga ganun pa rin pala. Pa-rent ng DvD at VCDs. Sa panahon kasi ngayon puro download na lang sa internet. Naalala ko lang nung bata pa ako, kapag sinasama ako ng tita ko doon, pinapag-rent niya ako ng vcd na pwede kong panuorin. Mga tipong Barbie na cartoons o maski yung Spice girls the movie pa. Masaya rin pala kumain ng oras sa mga ganong lugar. Titingin-tingin, hahanap-hanap, hanggang sa hindi mo mamamalayan na medyo matagal ka na pala sa loob na nagbabasa ng description ng bawat vcd na mahahawakan mo. Ngayon naisip ko, iba na talaga takbo ng mundo.

(Parang kwentong forever alone na naman ito ah..)

Thursday, April 26, 2012

Ang Taong Mukhang Plastic

Siguro naman kilala mo kung sino si Valeria Lukyanova?

Siya lang naman ang real life Barbie ng mundo. Marami na ang nagtangka at nagpagandang mga babae para lang maging kagaya ng idol ng lahat ng kababaihan. Ang napaka-perfect, sexy, beautiful and rich na si Barbie. Pero hindi ko aakalain na may makakakuha talaga sa itsura niya. Ito ay ilan sa mga litrato ni Valeria Lukyanova.

 



Mga pictures na nagkalat dito sa internet. Hindi lang talaga ako makapaniwala sa itsura niya. Oo maganda sa paningin, pero hindi ko mapigilan na magdalawang isip kung tao ba talaga ang nilalang na nasa picture o isang plastic na gawa sa factory. Isang patunay na magaling na talaga ang mga tao sa panahon ngayon, lahat talaga pwedeng gawin. Basta may pera lang. 

Pero maski maganda tignan, may pangit pa rin na epekto. Kung ito na ang magiging basehan ng pagiging maganda, malamang maraming kababaihan ang mawawalan ng tiwala sa kung anong meron sila. Lahat magpaparetoke, lahat magpapagawa ng ilong, lahat magpapapayat, lahat magpapapaputi, yung ilang magpapatanggal ng ilang ribs para lang makuha ang ganito kaliit na waistline.. Lahat magbabago. Lahat magiging peke at wala nang magiging totoo.

Monday, April 23, 2012

Sawsaw Suka Mahuli Taya: Isang Opinyon sa Nababalita

Mula kaninang umaga pa ako nanunuod ng balita at nasubaybayan ko yung tungkol sa Silverio Compound sa may Sucat, Paranaque.


Alam mo talagang may mali sa sistema ng dalawang panig. Walang nagbibigay, lahat mainit ang ulo at walang gustong makinig. Isa daw ang patay at mahigit trenta ang sugatan.. Pero para sa akin pare-pareho nilang ginusto yun. Imbis kasi na pag-usapan na lang, dinadaan sa gulo. Ayokong makialam at magpanggap na kunwari may alam sa totoong nanyayari, pero hindi ko rin mapigilan yung sarili ko sa pagre-react sa mga nakikita ko sa tv.

Ewan ko.. Siguro kasi hindi ako squatter kaya hindi ko naiintindihan kung bakit ganun na lang ang galit nila. Para sa akin kasi, oo nga.. Bahay mo nga yung nakatayo doon, pero sigurado ka bang legal na iyo yun? May papel at titulo ka ba na nakapangalan sa iyo yung lupa na iyon? Meron naman silang lilipatan na lugar ang kaso kasi, hindi sila kakasya dahil sa dami ng bilang nila.


Pero masasabi ko rin na gago rin ang mga pulis. Makitid na nga ang utak ng mga residente, sinabayan pa ng makitid din na utak ng pulisya. Oo at masakit ang matamaan ng bato pero hindi naman ata tama na paluin sa ulo ng batuta ang mga nahuli na nambabato. Para saan yon? Para makaganti? Para lang sabihin na mas matapang o mas may awtoridad?


Pilipino nga naman... Pero sa tingin ko..


Ang problema kasi talaga, yung kaugalian ng ilang tao na hindi natututo. Alam na ngang mahirap ang buhay, kukuha pa ng bato na ipupukpok sa kanya-kanyang ulo nila.


Karamihan ng squatters, walang trabaho. Pag walang trabaho, walang pera. Pag walang pera, walang pagkain, walang tubig, walang tirahan. Kung meron man, maliit lang. Ayos naman ang maliit na tirahan, ang problema lang.. yung bilang nila.


Bakit kasi kung sino pa yung mahirap at walang pera, sila po yung mag-aanak ng marami. Tapos magrereklamo sa hirap ng buhay dahil hindi nila kayang buhayin ang mga anak. Tapos.. yung mga anak naman nila, na hindi natuturuan ng mabuti, at dahil na rin sa pangit na kapaligiran, maagang natutong lumandi. Kaya pansinin mo.. Karamihan sa squatters area, edad 14.. May anak na. Pero ganun pa rin ang buhay.. Walang pera, walang trabaho, walang pagkain, walang tirahan, paulit-ulit lang.


Isa pang problema, maari mong isisi sa sistema ng Pilipinas mismo. Masyadong mahal ang matrikula, masyadong maarte ang mga eskwelahan kaya naman hindi sapat na edukasyon ang nakukuha ng bawat pilipino. Kaya ayun.. mahihirapan talaga sila maghanap ng trabaho..


Ang titigas lang kasi ng ulo ng lahat kaya ayan tuloy, hindi nagkakaintindihan at lalo lang nagkakasakitan.

Saturday, April 21, 2012

Operation Tuli Experience Part 2

Ewan ko ba pero itong summer na ito, parang napaka-boring. Napakatagal kong hinintay tapos nung dumating wala naman nanyari. Walang magawa. Walang makausap. Walang pera. Lahat ng kaibigan ko busy na, walang namamansin (o baka ayaw lang talaga nila ako kausapin) HAHAHAH.

Kaya gaya nung dati, sumali ulit ako sa operation tuli. May magawa lang. :D



Syempre sinama ko rin yung friendship forever and partner forever ko from Crave Vision Photography.. Walang iba kundi si Vea Jallorina. :D



Medyo madaming tao pumunta kaya nagbihis na rin kami kaagad para maka-start na rin. First time niya magpunta at ako naman second time sa ganito. Pero pareho pa rin kaming excited at medyo kinakabahan. Chos!




So nung una, panuod-nuod lang kami, tas partner kami muna ulit sa isang bata. Na-realize ko lang.. Mas magaling siya magtahi kesa sa akin. 2nd time ko na pero hindi pa rin ako master sa pagbuhol-buhol. Well. Siya na. HAHAHA. :P


Hanggang sa feeling namin sobrang galing na namin kaya nakaya na namin mag-solo kahit papaano. :P


Maaga natapos yung operation tuli, siguro mga 1 or 2 ng hapon tapos na. Nakakatuwa lang talaga yung mga experience na ganito kaya siguro pati sa picture, kitang-kita yung tuwa ko. HAHAHAHAH.

THAT AWKWARD MOMENT na nahuling ganito yung mukha ko habang nagtutuli pero AWARD WINNING picture!


HAHAHAHAHA! Til next time, samahan ulit ako sa tuli adventures. Chos!

Thursday, April 19, 2012


Saan ka ba natatakot? Sa mga kalalabasan ng gagawin mong desisyon o sa mga resulta ng mga bagay na hindi mo nagawa? Hindi naman lahat ng bagay kailangan mong intindihin, hindi lahat ng bagay kailangan mong pakialaman, pero kaya ka ba natatakot dahil baka mawalan ka ng kontrol sa sarili mo?
Siguro alam mo kasi na kapag nanyari yun, hindi mo na alam kung ano yung ginagawa mo. Kagaya ng paulit-ulit na nanyayari, hindi mo na kilala ang sarili mo. Ang mga mariin na itinanim mo sa ulo mo, dahan-dahan na maglalaho. Pati yung kinakapitan mong paninindigan mo, bibitawan mo. At yung puso mong pinatigas mong parang bato, malulusaw ulit kagaya ng isang sorbetes na ibinilad sa kalagitnaan ng tanghaling tapat. Magiging bulag, bingi at tanga.

CHECK MY LATEST Acoustic Cover

Own Version of Katy Perry's If You Can Afford Me. Free download! Sana magustuhan niyo. :D
http://soundcloud.com/echoserangbata/if-you-can-afford-me-acoustic

Thursday, April 12, 2012

NBSB Diaries


Dati inaabangan ko talaga yung pagdating ng summer para makagala at makalakwatsa. Masyado kasing napudpud yung utak ko kakaisip at kakamemorya ng kung ano-ano nung pasukan. Ang daming araw na nasasayang. Imbis na uma-aura at gumagala na ako ngayon, wala. Wala kasi akong pera. Wala pa akong kaibigan para kasama sa paggala. HAAAAAAAY.
Kailangan ko na talaga ng pera… Tsaka kaibigan. Tsaka ka-IBIGAN.
Seryoso.
Wala lang. Ewan ko ba, dadating siguro yung punto sa tao na maghahanap nang maghahanap ng pag-ibig. Pero sabi nga nila hindi daw ito hinahanap kasi ito mismo ang maghahanap sayo. Medyo matagal nga lang.. Siguro imbis na lumipad at maging superhero, andun siya sa trike na de padyak kaya napakatagal dumating. Ang masaklap pa dun baka flat pa yung trike na nasakyan niya at naglalakad na lang siya. At dahil sa init ng araw at pagod naisipan niyang magpahinga.. Hanggang sa may makilala na siyang iba.. HAAAAAAAAAAY.
Minsan kasi nakakapagod din na maghintay ng tao na para sa iyo. Pakiramdam mo nagmumukha kang tanga dahil wala kang kasiguraduhan kong may dadating nga ba o wala. Ang sakit kaya nun. Ang sakit kaya nung feeling na akala mo may hinihintay ka, tapos namuti na yung mata mo yun pala, wala. Cancelled.
Sa mga panahon ngayon, ewan ko kung bakit ako nagkakaganito. Parang gusto kong hanapin na lang yung taong para sa akin. Kumbaga sa paghihintay sa destiny mo, parang gusto ko na lang na ako na lang mismo yung gumawa ng destiny ko. Wala ng tadha-tadhana. Ang tagal kasi niya eh. Oo. Ang tagal ni "The  One".
Sana dumating na siya. Sana dumating na siya. Sana dumating na siya.. (Repeat til fade...)

Saturday, April 7, 2012

Zero


Yan ang laman ng wallet ko ngayon. Zero. Itlog. Wala. 
Wala na akong pera. Hindi ako nakapag-ipon nung mga araw pa ng pasukan kaya naman eto ako ngayon, namumulubi. Pero syempre, sabi nga nila, lahat ng problema may solusyon. Kagaya ng mga sikat na fashion bloggers, kunwari may bumabasa rin ng napaka-interesanteng plano ko. :D

Part 1: The Ukay Shop
Gusto ko sana mag-organize ng isang garage sale or ukay-ukay. Tutal hindi naman lahat ng damit at gamit ko nagagamit ko talaga, kaya ibenta na lang sa murang halaga. Lahat pwede sumali! I-invite ko yung mga friends ko or maski kayo kung gusto ninyo. Magbenta tayo ng mga mura at bagsak presyo. Pramis gagana ito. Nag-ganito na kasi ako nung grade 3 ako sa tapat ng bahay namin, nakabili ako ng school bag na Barbie. Syempre siguro naman mas matanda na ako ngayon, mas magiging okay ang labas nito. Ang main concern ko lang kung saan. Mas maganda kasi kung daanan ng tao para mas madaming makakita at makabili.

Part 2: Bili na ng balls!
Syempre kapag naka-ipon na ako ng pera na galing sa ukay shop, bibili ako ng mga pagkain na patok sa hapon! Malamang maraming batang gutom dahil sa paglalaro nila sa kalsada kaya gusto ko magbenta ng mga balls. Fishballs, squidballs, chicken balls, pati mga fruit shake. Balak ko rin pala magtinda ng icecandy. Ajeje.

Sana talaga magawa ko itong plano ko. Last summer ko na ito kaya susulitin ko talaga. Lahat ng pwedeng gawin, hangga't maari gagawin ko. Sana talaga. Mas madali kasing isipin at sabihin kesa sa mismong actual na gawain.
Pero kaya ko yan! (Oo dapat paulit-ulit para maniwala ako sa sarili ko na kaya ko ito.)

Another back photo. Literal na likod.

Maging likod na lang kaya yung mukha ko? Oh well. Anytime soon mawawala na ahit, so enjoy! :D

Wednesday, April 4, 2012

Friday, March 30, 2012


Medyo kani-kanina lang pumalo sa isip ko kung ano yung mga posibleng manyari. Medyo kani-kanina lang ako nakaramdam ng lungkot. Masyado atang nalunod sa kape yung katawan ko kaya medyo matagal bago nakapaglabas ng reaksyon. Medyo kani-kanina lang nung naramdaman kong may namumuong umbok sa mga lalamunan ko. Alam ko na kapag pinakawalan ko yun, mababasa ang mga mata ko. Alam kong hindi ko mapipigilan ang pagpatak ng bawat isa niyon. 
Siguro sa ngayon, nagagawa ko pang lokohin yung sarili ko at isipin na wala akong pakialam. Nagagawa ko pang sabihin sa sarili ko na "Wala" lang ito. Pero alam kong dadating yung panahon na maski sarili ko hindi ko na maloloko na apektado nga ako. Kapag nakita ko siya, yayakapin ko siya ng mahigpit tsaka magpapasalamat sa lahat.
Isa rin sa mga kinakatakutan ko yung pagkawala ng lahat. Pagkawala ng mga bagay na kinasanayan ko. Alam kong mahihirapan ako, pero hindi naman ako dapat magreklamo dahil wala lang naman ako.