Tuesday, July 26, 2011

Ang Amoeba at ang Magarang Sasakyan

Buti na lang, nakaalis na ako sa mundo ng mga manika. Hindi ko alam kung paano. Basta bigla na lang ako napunta sa isang masayang lugar. Dito lahat ay parang mga bata. Naglalaro. Masaya. Lahat dito tanggap kaya naman gustong-gusto ko na tumambay dito. Kung pwede nga lang, hindi na sana ako aalis. Kaso may pwersa na tipong humigop sa lahat ng narito. Lahat nawala. Lahat nag-hiwalay. Lahat nagkawatak-watak. Wala naman akong magagawa, isa lang akong ordinaryong tao. Hindi ko kayang labanan ang pwersa na iyon.. At sa muli, mag-isa na lang ako.

Naglakad-lakad ako sa kalyeng hindi ko alam kung anong pangalan. Lahat ng naroon, hindi ko alam kung tao  ba sila, manika o robot. May nakita akong sasakyan, parang jeep sa totoong buhay. Ang lakas ng musika na galing roon kaya agad-agad akong pumunta dun. Mukhang masaya eh.

Namangha ang mga mata ko nung nakita ko kung ano yun. Hindi ko maipaliwanag. Masyadong maraming kulay at maraming palamuti ang sasakyan na iyon. Parang disco ang mga ilaw, patay-sindi. Yumayanig ang lupang kinatatayuan nito, parang may isang kasiyahan sa loob. Gusto ko pumasok, pero nahihiya ako. Wala naman kasi akong kilala roon.

Biglang may kakaibang nilalang ang lumabas galing sa sasakyan na iyon. Hindi ko matanto kung tao, impakto, robot, o alien ba sya. Amoeba ang unang rumehistro sa utak ko. Ah, oo,  Amoeba nga. Mabait ang Amoeba na iyon, kinakausap niya ako lagi. Ang dami niyang sinasabing maganda, na pinaniwalaan ko naman kaagad. Akala ko kasi kaibigan ko siya. O higit pa. Tinawag niya ako at inanyayahan na pumasok sa loob nung kung anong sasakyan. Pagpasok ko sa loob, nagulat ako. Ang daming nilalang ang nandun. Iba-ibang uri. May syokoy, sirena, tsokolate, duwende, tagyawat, at  pati ilang hominidae o mas kilala sa tawag na “mga taong bakulaw”. May kasiyahan nga. Tinignan ko sila, lahat sila nakangiti at tumatawa. Nagkakantahan, nagsasayawan at nagkukulitan pa. Tinitigan ko ang kanilang mga mata. Parang sobrang dilim ng kalooban nila, lahat umiiyak, naghihinagpis at umaasa sa wala. Natakot ako, siguro may kinalaman ang Amoeba doon. Ibinulong ng utak ko, “Umalis ka na dyan. Delikado dyan.” Pero ang katawan ko, hindi gumalaw. Parang may sariling isip, o siguro puso ang nagde-desisyon sa mga panahon na ito. Nagwawala na si Utak. Gusto ng tumakbo palayo dahil alam naman nito kung anong patutunguhan. Tamad pa rin ang kabuuan. Paralisado.  Ayaw maniwala. Ayaw gumalaw. Ayaw lumayo.

Lumakad pa ako papasok sa loob, nakita ko ang maraming salamin. Pumunta ako doon upang tignan ang maganda at malawak na kapaligiran ng sasakyan. Laking gulat ko, iba ang nakita ko. Sa isang banda, nakita ko ang Amoeba, masayang masaya na tumatawa. At sa isang salamin..

Yung mata ko, naging itim.. Umiiyak, naghihinagpis at umaasa sa wala.

No comments: