Alam kong mahirap pero kailangan. Pwedeng mamili pero wala ng ibang pagpipilian. Ang hirap palang pumasok sa isang pintuan, na paglabas mo wala ka ng kakilala. Nung una, libang na libang ako. Aliw na aliw. Lahat kasi bago. Bagong buhay. Bagong pangalan. Bagong reputasyon. Parang pinanganak ka, at bininyagan ulit.
Pagpasok ko doon, ang dami kong nakitang mga mamahaling manika. Yung iba sumasayaw, yung iba nagbabasa, yung iba naglalaro, yung iba kumakain. Ang galing. Bilib na bilib ako. Siguro, langit na ito kung maituturing para sa isang mapaglarong bata kagaya ko.Napakakulay ng paligid. Ang daming bahaghari. Yun siguro ang dahilan kung bakit makulay ang mundong yun.
Nilapitan ko ang mga manika. Ang ganda. Mamahalin nga talaga. Lahat sila nakangiti.Kitang kita ko yung mga mapulang labi, magandang ngipin na mapuputi. Bukod doon, nakadilat ang mga mata. Perpektong perpekto. Walang mali. Lahat naman ng sapatos at damit, maganda rin. Ang linis-linis. Yung buhok nila, ang lambot. Maayos na maayos yung pagkakakabit nung mga makukulay na panali ng buhok.
Segundo. Minuto. Oras. Araw. Buwan. Ang lumipas. Nagbago ang lahat. Unti-unting lumamig ang paligid. Naging mahangin. Sobrang mahangin. Minsan, kailangan ko pang humawak sa mga puno para wag lang ako tangayin ng mga naglalakasang buhawi. Unti-unti ding dumidilim ang paligid. Nawawala na yung mga dating bahaghari ng nagpapakulay ng magandang lugar na yun. Habang tumatagal, natatakot na ako sa lugar na yun. Pero kahit ganun, tulad na sinasabi ko kanina. Pwedeng mamili pero walang pagpipilian kaya kailangan kong manatili doon kahit na ganun ang mga nanyayari.
Yung mga manika, nakakatakot na rin. Maganda pa rin sila tulad nung dati pero sa paningin ko, madumi na sila. Nakabukas ang mga mata at lahat nakikita. Napakalinaw ng mga mata nila dahil kahit napakaliit na insekto, makikita nila. Yung mga tawa at ngiti nila, palakas ng palakas. Nakakabingi. Pero bakit ganun? Hindi ako nasisiyahan. Lalo lang akong natatakot sa mga iyon. Gusto kong pumunta sa napakalayong lugar para iwanan ang mundong yun pero wala akong matakbuhan.
Unti-unting gumagalaw ang mga manika. Lahat sila papunta sa dako pataas. Lahat sila gumagawa ng paraan. Yung iba, sumasakay sa eroplano. Aakyat ng hagdanan. Nagpapatangay sa hangin. Kanya-kanyang diskarte kung paano makakapunta sa dako pataas. Nagtataka ako, wala ng gustong maiwan dito sa baba. Siksikan na doon, wala ng daanan. Hindi mahulugan ng karayom. Parang sardinas. Pinagpipilitan pa rin nila ang sarili nila sa itaas. Nakakatawa. Lahat sila nagpapakahirap pumunta doon, pero may iilan na umpisa pa lang, nandun na. Mga diyos-diyosan ng mga manika ang mga naunang pumunta dun. Bukod doon, lahat ng manika, pumupunta muna sa isang mababaw ilog. Doon sila naghuhugas ng mga kamay, saka pupunta sa itaas.
Ang higit na kinagulat ko ay yung mga manikang nagpapalobo ng ulo para makaakyat sa dakong itaas. Minsan wala akong madaanan sa sobrang sikip, dahil sa laki ng naglolobohan na mga ulo. Minsan naisip kong kumuha na lamang ng karayom at putukin ang mga iyon. Para mawala na sila at lumayo.
Naiisip ko rin, kung ano ang iniisip ng mga manikang mamahalin. Ramdam ko. Nakikita ko. Lahat ng utak nila ay naka-kahon sa isang napakaliit na lalagyan. Nakabalot pa ng kumot para siguradong walang gumambala at hindi mabago. Sinubukan kong sirain ang isang karton para naman maarawan ang utak nila. Nagawa ko nga. Unti-unting lumaki ang utak. Natuwa ako kasi nakatulong ako, mas maraming malalagay sa utak kapag mas malaki ang mga iyon. Kaso nga lang, naiwan ko sa isang tabi. Nakita ko na lang nakakahon na ulit. At hawak na ng ibang manika yung utak niya. Sinama dun sa karton ng iba pang utak.
Naguguluhan na ako. Natatakot na ako. Baka pag nagtagal pa ako sa lugar na iyon, maging manikang laruan na rin ako kagaya nila. Unti-unting makahon ang utak. Unti-unting mawalang ng pakiramdam. Unti-unting gumaya at pumunta sa dakong pataas. Magiging manikang de susi din ba ako?
Ayoko. Ang tanging gusto ko lang ay maging isang tao. May pakiramdam. May pakialam. Maging bukas sa lahat.
No comments:
Post a Comment