Hindi ko alam kung anong klaseng paa ang meron ako. Sobrang fail ng mga sapatos kong pang-iskwela ngayong taon na ito. Ito ang mga nanyari sa pagkasunod-sunod.
- Namaltos yung paa ko sa gilid. Sa may bandang hinliliit. Ayoko na gamitin. Isang beses lang.
- Malambot siya, masarap gamitin. Kaso pag umulan nababasa pati loob. Tela lang naman kasi siya. Pero pwede ko naman siya gamitin kapag maaraw, yun nga lang.. Dapat sigurado ako na hindi uulan.
- Bumili ako ng sapatos, size 36. Sabi kasi nila, luluwag pa daw. Ilang beses ko na ginamit pero hindi pa rin lumuluwag. Masikip.
- Nandekwat ako ng sapatos ng nanay ko, may chichiling-chichilap. Maarte, pambabae at sobrang makislap. Sa katunayan, sa Divisoria lang yun. Medyo matibay naman nung una, pwede sa ulan kaso bigla na lang ngumingiti. Bumubuka sa may hinlalaki.
- Binilhan ako ng nanay ko, matibay. Pwede sa pang-ulan. Maganda naman tignan, parang pang-highschool. Sinubukan kong gamitin, sa sobrang tibay.. Paa ko yung nasira. Paltos na naman. Sa may likod naman ngayon. Ayoko na ulit gamitin kahit isang beses ko pa lang naisuot.
- Binilhan ulit ako ngayon ng nanay ko. Maarte ulit. Pambabae. Sale lang kaya mura. Matibay na rin kasi branded pero ewan ko bakit nagbibitak-bitak na yung leather niya.
Alam ng mga kaklase ko ang mga istorya ng bawat sapatos ko, kaya kanina napag-usapan na naman namin ang mga ito.
Kaklase: Grabe, sira na naman yang sapatos mo?
Ako: Oo nga eh. Nakakainis. Pero ayos lang, mura lang kasi.
Kaklase: Dapat kasi bumibili ka yung mahal.
Ako: Katulad ng iyo? Ang mahal-mahal. 1.2k
Kaklase: Mura na kaya yun, ano ka ba.
Ako: E para sa akin mahal na yun. Para sa akin nga 500 mahal na yun eh.
Kaklase: Eh kasi kapag mura medyo mabilis masira.
Ako: Eh hindi kaya. Minsan nagtatagal rin. Pero ewan ko ba bakit pag sa akin ang bilis.
Kaklase: Depende kasi yan sa pag-aalaga.
Napaisip tuloy ako sa mga sinabi niya. Parang linya ng PLDT na biglang komonek sa larangan ng relasyon ng tao. Parang ganito..
Hindi ibig sabihin na porket mabilis nabuo ang relasyon ng dalawang tao, mabilis rin itong masisira. Nasa tao lang yan kung paano ito pangangalagaan para hindi agad mawala ng basta-basta.
No comments:
Post a Comment