Saturday, August 6, 2011

Malungkot Pero Nakangiti


Magkaibigan na nga kami. Sinong tinutukoy ko? Yung laruan na bola na umiiyak sa isang kwarto sa kanan. Sinamahan ko siya. Sinamahan niya ako. Tuloy pa rin ang byahe namin sa hindi ko alam kung saan. Malamang, andito pa rin ako at nakasakay sa magarang sasakyan.

Mahilig kaming mag-usap tungkol sa kung anu-ano ng aking bagong kaibigan. Pero para sa ngayon, kailangan na muna namin kumain. Ewan ko kung pwede niyang kainin ang normal na pagkain, hindi naman kasi siya tao kagaya ko. Pagpunta ko sa kusina, merong mga biskwit sa lamesa. Pwede na yun. Hindi mapili ang taong gutom. Kuha sa plato, sabay subo.

“ARAY!”


Napa-aray ako. Sobrang init pa pala ang biskwit sa mesa. Malamang, hinawakan iyon ng mga kakaibang nilalang na nakasakay sa sasakyan na iyon. Siguro, yung Amoeba yung humawak nun. Dahan-dahan ko na lang na iniluwa ang biskwit. Nanghinayang din ako, huling piraso na kasi iyon. Mukhang hindi na magkakaroon ng ganung biskwit kahit kailan. Bibihira na lang kasi ang mga gumagawa nun. Pero anong magagawa ko? Mahirap nang masunugan ng dila.
Wala ng pagkain para sa akin. Siguro hahanapan ko na lang yung kaibigan ko.
Kailangan niya ng kumain ng hangin eh.


Umakyat ako sa pangalawang palapag ng magarang sasakyan. Balita ko kasi andun yung ibang gamit nila, tulad na lang ng pambomba. Sa gilid ng kwartong pinasukan ko, napatitig ako sa isang painting. Ewan ko ba, pero parang tinatawag ako ng larawang iyon.

“Halika, lumapit ka. Pakinggan mo ako. Kailangan kita.”


Isa iyong Smiley na ipininta ng kung sino man. Parang ganito.. :D


Nilapitan ko nga at tumitig ulit ako ng matagal. Bakit ganun? Parang may mali sa larawang ito. Hindi ko lang alam kung ano iyon, basta may bagay na kakaiba doon. Tinitigan ko na lang ulit ng ilang saglit.
Aha! Alam ko na, ang mga mata niya. Ang mga mata niyang malungkot. Ang mga mata niyang nagsasabi ng katotohanan. Mahinang-mahina ang bulong na naririnig ko. Pakiramdam ko na nga, sarili ko na lang ang kausap ko.

“Malungkot ako. Malungkot ako. Malungkot ako. Malungkot ako.”Parang batang nagpapabili ng laruan sa palengke, paulit-ulit ang mga salitang naririnig ko. Galing nga iyon sa painting.
Nagsimula akong magsalita.. “Kung malungkot ka, bakit ka naka-ngiti?”
Sumagot siya..

“Minsan kasi kailangan mong itago ang tunay na nararamdaman mo. Hindi sa lahat ng oras eh pwede mong ipakita ito. Kailangan mo itago sa mga ngiti.  Minsan pa nga, kahit may mga bagay ka na gustong gawin ay hindi mo kailan man magagawa.”


Naguluhan ako sa mga sinabi niya.. “Ano?!”

Nagpatuloy lang siya.
“Tulad ko, gusto kong umiyak, gusto kong sumigaw. Gusto kong sumimangot, gusto kong magalit. Gusto kong ibahin ang ekspresyon sa mukhang ito, pero hindi ko iyon magagawa.”


“Bakit mo naman nasabi iyan?” Wala na akong masabi. Tama siya.. Pero gusto ko pa rin malaman kung ano ang dahilan sa mga pinagsasabi niya.

“Dahil sa ibang nilalang. Dahil sa ibang tao. Hindi ko ginusto na ipinta ako ng ganito. Ipinta ng naka-ngiti. Pero kailangan kong sumunod kasi ganito niya ako ipininta. Yun ang idinidikta nila. Iyon ang iniisip nila. Iyon ang nakikita nila. Gustuhin ko man, hindi ko lang talaga magawa.”

No comments: