Sabi nga nila, sa isang maliit na bagay nagsisimula ang lahat.
Tulad na lang ng isang kindat ng lalaking pumoporma sa type niyang babae. Pagkaraan ng ilang buwan, sila na. Tulad ng paghithit ng sigarilyo sa banyo ng isang iskwelahang pang hayskul, na nauwi sa pagyoyosi tuwing pagkatapos kumain. Tulad ng pagtikim sa inumin ng kaibigan mong B.I., na nauwi sa gabi-gabing inuman. Tulad ng aksidenteng pag-click ng link sa internet, na nauwi sa araw-araw na pagbubukas ng isang pornsite. Tulad ng simpleng halik, na nauwi sa maselang pagbubuntis. Tulad ng pag-check ng e-mail, na nauwi sa limang oras na pagta-tumblr. Tulad ng pagkakaroon ng crush, na nauwi sa wagas na pagmamahal.
Ganun din ang pagsasabi ng hindi totoo, sa kung ano ang totoo. Sa mga maliliit na kasinungalingan lang nagsisimula ang lahat. Hindi mo namamalayan na nagiging malaki na ito. Yung tipong pwede ng bumutas sa tiwala ng isang tao. Patong-patong na at nakaka-praning. Hanggang sa hindi mo na matanggal sa isip mo kung ano yung mga susunod mong sasabihin. Dapat kabisado mo lahat, para lusot lang ng lusot.
At kapag kasing laki na ng Earth ang kasinungalingan na iyon, dito mo mararamdaman na parang wala ka ng kakampi. Yung tipong kahit anong isip mo sa mga bagay-bagay, kahit anong halungkat mo sa bawat sulok ng isip mo.. Puro “Nako, patay ako.” ang lalabas.
Siguro kapag umabot ka sa puntong ganito, mas mabuti na rin na aminin mo na lang lahat. Alam mo naman kasi na ikaw ang mali. Siguro dala na rin ng maling desisyon, kalituhan, kagaguhan o sadyang katangahanlang pero hindi iyon rason para ipagpatuloy mo pa ang kamalian na nagawa mo. Mas maganda kung ihihinto mo na lang at itama ang mga ito kesa dagdagan mo pa. Habang tumatagal kasi, habang pinagtatakpan mo ang kasalanan mo, mas lalong guma-grabe. Imbis na lumiit, lalong lumalaki.
Hindi pa naman siguro huli ang lahat para sabihin kung ano ang totoo. Meron pa ring mga tao sa paligid mo na tatanggapin ka ulit, papatawarin at mamahalin ka parin tulad ng dati.
No comments:
Post a Comment