Ilang araw na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin ako nakakaalis dito sa magarang sasakyan. Oo tama ka, andito pa rin ako sa loob ng magarang sasakyan na pagmamayari ng isang Amoeba. Ewan ko, siguro masyadong mahigpit ang pagkakasara ng mga pinto kaya mahirap buksan ang mga ito para makalabas. O siguro, pinili ko na lang na manatili muna dito.. ng panandalian.
Naisip kong libutin muli ito. Habang naglalakad ako, nagulat ako ng may narinig akong umiiyak. Dali-dali kong hinanap kung saan nagmumula ang pag-iyak na iyon. Gabi noon at mahimbing na natutulog ang ibang nilalang kaya libreng-libre akong magliwaliw sa loob ng sasakyan.
Sa isang kwarto sa kanan, habang papalapit ako ay lalong lumalakas at lumilinaw ang naririnig ko. Aha, oo. Doon nga nagmumula iyon. Pumasok ako sa loob ng silid ngunit wala naman akong nakitang ibang nilalang. Naguluhan ako sa tunog na naririnig kong bumabalot sa buong silid. Paalis na ako ng bigla akong natapilok sa isang laruang bola. Yumuko ako. Pinulot ko ang bola. Gulat na gulat ako sa aking nakita..
Yung bola. Yung laruang bola pala ang naririnig kong umiiyak. Nagdalawang isip ako ako kung kakausapin ko siya o kaya naman ay ihahagis palabas ng kwarto.
Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakaupo sa isang gilid ng kwarto, hawak-hawak ang bolang umiiyak. Naisipan kong kausapin siya.. Hanggang ngayon kasi, sa tinagal-tagal ko dito ay wala pa rin akong nagiging kaibigan.
Tinanong ko siya. “Bola, bakit ka umiiyak?”
Hindi niya ako sinagot, tuloy pa rin ang pag-iyak niya. Bigla na lamang siyang tumalbog papunta sa kabilang dulo ng kwarto.
Hinabol ko siya at tinanong muli. “Bola, bakit ka ba umiiyak?”
Tinignan niya lang ako ng matagal. Habang nakatitig siya sa akin, kitang-kita ko ang kalungkutan sa mga mata niya. Buti naman at nagsalita rin siya.
“Eh kasi siya eh.”
Naguluhan ako.. “SINONG SIYA?”
Nagsimula siyang magkwento sa akin.
“Bago ako mapadpad dito sa magarang sasakyan, isa lang akong bolang kalye. Pagulong-gulong kung saan-saan. Dito, doon, kahit saan lang sa kalsada. Nang minsan ay napadpad ako sa isang bakanteng lote. Tanghaling tapat nun kaya wala masyadong tao na nakababad sa initan, ngunit may isang bata na nagtatakbo sa gilid ng bakanteng lote. Gumulong ako papalapit sa kanya.”
“O anong nanyari?” tanong ko sa kanya.
“Madungis ako. Madumi. Mabaho. Ilang beses na akong nahulog sa kanal. Ilang beses na rin akong natuyo at dinikitan ng alikabok. Inihian ng kung ano-anong bagay. Kulang sa hangin. Walang kwenta. Kung tutuusin, laruan ako. Pero paano ako malalaro ng mga bata kung ganun ako..”
Tinitigan ko lamang siya. Inaantay ang mga susunod na sasabihin niya. Nagsalita ulit siya.
“Natuwa ako nung pinulot niya ako. Sa lahat kasi ng lugar na napuntahan ko, siya lang ang nag-iisa at kauna-unahang bata ng nagtangkang hawakan ako. Masaya ako nun. Pakiramdam ko, nagampanan ko na ang dapat kong gawin sa buhay. Ang maging isang laruan. Okay na ako.”
Hindi ko mapigilan magbigay ng reaksyon. Mukhang ginagago lang ata ako ng bolang ito.
“O eh bakit ka umiiyak? Nagawa mo na pala ang dapat mong gawin, bakit hindi ka pa masaya? Bakit hindi ka pa nakontento?”
Napahiya ako sa sagot niya sa akin.
“Eh kasi ang lahat ng iyon ay akala ko lang. Pagkahawak niya sa akin, ibinato niya ako sa basurahan. Dun daw ako nararapat.. at pagkatapos nun, iniwan niya na akong nag-iisa.”
No comments:
Post a Comment