Dati lagi akong nagtataka kung bakit may mga batang nagtatago ng kung sino sila sa sarili nilang pamilya. Parang ang labo kasi hindi ba? Kaya nga “Pamilya” kasi sila yung palaging andyan para sayo. Sila yung mga taong maasahan mong magiging totoo sayo.
Siguro masyado lang kumitid ang utak ko na ang pamilya ganito ganyan. Pero hindi naman pala kasi applicable yun sa lahat. Depende pa rin sa kung paano tinanim yung relasyon ng bawat isa. Kaya nga siguro may mga magulang na kayang abusuhin yung mga anak. Meron din naman mga anak na walang pakialam sa mga matatandang magulang.
Hindi pala lahat ng kapamilya mo willing tanggapin kung sino ka. Minsan kailangan mong magbago para sa kanila. Oo, siguro para sa ikabubuti mo rin. Pero minsan dahil “wala lang”, gusto lang nila na ganito ka.
Tulad na lang ng mga batang hindi makapili ng gusto nilang tahakin na kurso sa kolehiyo. Gusto nila ganito ganyan, eh si Mommy at Daddy gusto ganun. Kaya napunta sa kursong hindi naman talaga niya gusto o hilig. O kaya naman ay yung mga batang hindi nakakapamili ng taong mamahalin dahil magulang nila ang namimili para sa mapapangasawa nila.
Minsan ang sarap sabihan ng mga nakakatanda sa pamilya na sana makinig naman sana sila. Hindi naman kasi lahat ng sinasabi ng matatanda ay umaayon sa tama. At para sa akin kasi, hindi naman porket nag-invest sila sayo ng pera(pagpapa-aral), eh pag-aari ka na nila. Kumbaga para kang isang robot o kaya naman ay manika na may nagkokontrol sa mga desisyon mo at sa mga galaw na pwede mong gawin. Walang kalayaan. Walang sariling pananaw. Walang sariling opinyon.
Kung ganun rin lang, sana ikinulong ka na lang sa kahon.
No comments:
Post a Comment